NANAWAGAN nitong Huwebes si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. para sa pagtatayo ng nasa 50,000 cell tower sa buong bansa upang masiguro ang matatag na Internet connection sa alinmang bahagi ng bansa at paglipat sa online class ngayong school year bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic.
Inirekomenda niyang itayo ang mga cell towers sa lahat ng paaralan, munisipalidad, at lahat ng barangay upang magkaroon ng malawak na
interconnection sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at sa lahat ng bayan at mga barangay. Sa kasalukuyan, aniya, mayroon lamang 19,000 cell towers sa bansa, at pinahihirapan pa ng mga lokal na pamahalaan ang kumpanya ng telecom bago makapagtayo ng tower dahil sa tambak na requirements.
Isinisiwalat ng mungkahi ni Esperon ang katotohanan na walang sapat na Internet coverage ang bansa na kinakailangan kung bubuksan ang mga paaralan sa bansa ngayong taon gamit ang kombinasyon ng online session at face-to-face na klase.
Tradisyunal na nagsisimula ang school year sa Pilipinas tuwing Hunyo, ngunit dahil nga sa pandemya, nausod ito ng Agosto 24, at muling nausod sa Oktubre 5, matapos aprubahan ng Kongreso ang batas na nag-aawtorisa sa Pangulo na ilipat ang petsa ng pagbubukas ng school year sa panahon ng state of emergency.
Una nang tumutol si Secretary of Education Leonor Briones na pagpapaliban ng pagbubukas ng klase, sa pagsasabing maaapektuhan nito ang interes sa pagkatuto ng mga estudyante. Ngunit dahil sa pandemya, sumuko rin siya sa panibagong pagpapaliban ng klase patungong Oktubre 5. Bumuo ang DepEd ng isang blended learning system na may Internet-based session, television at radio program, at printed modules.
Ngunit ngayon ang panawagan si Esperon para sa pagtatayo ng 50,000 cell towers upang maibigay sa bansa ang malakas na Internet connection ay naglalantad sa malaking kahinaan ng plano ng DepEd—walang Internet service sa maraming bahagi ng bansa. Mayroon lamang ngayong 19,000 cell tower, ayon kay Esperon, gayong ang kailangan ng bansa ay nasa 50,000.
At kahit pa milagrong maisakatuparan ang malawakang Internet service sa bansa ngayon o sa pagbubukas ng klase, milyon-milyong tahanan sa bansa ang wala namang laptop at tablet na kailangan para maka-connect sa Internet. Naglaan ang Maynila ng P1 bilyon para sa 11,000 laptop sa mga guro at 136,950 tablets para sa mga estudyante. Gaano naman karaming lokal na pamahalaan ang may kakayahang gawin ito para sa mga guro at estudyante?
Ang problema sa cell tower na sinasabi ni Esperon ay luma na para sa mga telecom services sa bansa na hindi nagagawang mapalawak ang kanilang serbisyo dahil na rin sa mga lokal na pamahalaan, at mga subdivision, na nagdadalawang-isip pa sa pagbibigay ng permiso na makapagtayo ng cell tower dahil sa panganib ng radiation. Ito ang nagpapaliwanag kung bakit mayroon lamang 19,000 towers ang Pilipinas kumpara sa 70,000 towers ng Vietnam.
Kung sa milagro, ay magkatotoo ang hiling ni Esperon at sumang-ayon na ang mga LGU na magtayo ng mas maraming cell tower, mangangailangan naman ito ng malaking pondo at panahon upang maitayo ang 50,000 towers. Hindi ito maisasakatuparan sa pagbubukas ng school year sa Oktubre 5—na 21 araw na lamang mula ngayon.
Sa ganitong sitwasyon, susubukan natin magklase ngunit posibleng hindi ito makaabot sa karamihan ng mga estudyante sa bansa. O maaari nating muling ipagpaliban ang pagbubukas ng klase—marahil sa Enero ng susunod na taon—kapag, umaasa tayo, na humupa na ang pandemya upang payagan na ang face-to-face na klase.