HINDI na nga matutuloy ang tambalang Gabby Concepcion at Marian Rivera sa teleserye sana ng GMA-7 na First Yay dahil umatras ang Kapuso aktres. Takot pang mag-taping si Marian lalo na at lock-in taping ang mangyayari dahil nga sa COVID-19.
Mag-i-issue ng official statement ang GMA-7 tungkol dito, pero nagsalita na rin si Marian. Sa interview sa kanya via Zoom, ipinaliwanag niya kung bakit siya umatras sa project na first time sana nilang pagsasamahan ni Gabby.
“Tinanong ko ang GMA-7 sa protocols ng taping at sinabing lock-in ang taping. Mahihirapan ako dahil may mga anak ako at si Sixto, dumedede pa. Gustung-gusto kong gawin ang project, nakatanim na sa puso at isip ko. Saka ang karakter na gagampanan ko, hinulma sa karakter ko. Nagkaroon ng compromise, seven days ang taping, pero three days pa bago ako makauwi sa bahay dahil kailangan kong mag-self-quarantine muna para safe akong uuwi. Hindi nga puwede dahil maliliit pa ang mga anak ko at nagbi-breastfeed ako.
“Tinext ko si Gabby at sinabi ko ang dahilan kung bakit hindi ko magagawa ang “First Yaya” at naintindihan niya. Naintindihan niya na safety first ang inuna ko. Pero, looking forward pa rin siya na magkakatrabaho pa rin kami at looking forward pa rin siya na magkatrabaho kami dahil laging nauudlot.
“In fairness sa GMA-7, naintindihan nila ang dahilan kung bakit hindi ko magagawa ang project at tinanggap nila ang dahilan. Sobra akong nagpapasalamat
sa GMA dahil lagi nila akong naiintindihan,” pahayag ni Marian.
Wala pang binanggit ang Kapuso network kung ise-shelve ang First Yaya o papalitan na lang si Marian. May kontrata kasi si Gabby sa network at nakapag-first day taping na rin sila.
“No problem kung papalitan nila ako, sa side ko naman ang problema, ako ang may problema. Okay lang sa akin kung kumuha sila ng bagong ipapareha kay Gabby,” pahayag ni Marian sa isyung papalitan siya kapag itinuloy ang project.
Sa ngayon, tuloy pa rin ang pagho-host ni Marian ng Tadhana sa GMA-7 pa rin ito. Sa bahay lang nila ang taping niya ng spiel at ang asawang si Dingdong Dantes ang kanyang director. Ito muna ang kaya niyang gawin habang may pandemic para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at mga anak.
Inamin nga ni Marian na dumaan siya sa pagiging paranoid lalo na kung lalabas ng bahay .
“Ang hirap ng nangyari sa atin. Nakaka-paranoid lumabas, kailangang may face mask ka, may face shield, may gloves, at alcohol. Kulang na lang inumin mo ang alcohol at kung may mabibili lang na alcohol na puwedeng inumin, bibili ako para sure kang safe ka. Tapos, pag-uwi mo, deretso ka sa banyo para maligo agad para maalis kung may dala ka mang virus. Kaya sana, mawala na itong COVID-19, para makabalik tayo sa normal na buhay at makapagtrabaho na tayo. Ang daming nawalan ng trabaho,” pagtatapos ni Marian.
-NITZ MIRALLES