ANG 2018 Cinemalaya Best Film Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Waiting for Sunset) na idinirek ni Carlo Enciso Catu ay mapapanood na sa Netflix simula pa noong Setyembre 9 kaya naman tuwang-tuwa ang producer na si Pandi, Bulacan Mayor Enrico A. Roque sa pagkakapasok ng pelikula.
Aniya, “Excited na ko na mapanood sa Netflix ang Best Picture ng Cinemalaya kasi alam kong magugustuhan ito ng mga manonood. Isang pelikulang simple pero may kurot sa puso. Since hindi na natin naipalabas commercially ang Dapithapon I’m sure na marami ang manonood nito sa Netflix. At tribute rin kay Menggie na ang galing-galing din sa Dapithapon.”
Nabanggit na tiyak na marami ang maraming mai-inspire sa kuwento nina Bene (Dante Rivero), Celso (Menggie Cobarrubias) at Teresa (Perla Bautista).
At bale tribute na rin ito kay Menggie na sumakabilang buhay noong Marso 26 na hindi binanggit ng pamilya kung ano ang ikinamatay.
Naalala namin noong inalok kay Tito Menggie ang karakter na Celso sa Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay gustung-gusto niya at nagbiro pa na kahit walang bayad ay tatanggapin niya dahil ang ganda papel niya at isa siya sa lead actor.
Hiningan din namin ng reaksyon ang line-producer ng pelikula, ang Cleverminds Inc, “Hwah. Masaya na finally mapapanood na s’ya ng mga Pilipino. Isang pag-alala rin kay Tito Menggie na isa sa lead actor ng pelikula na pumanaw ngayon panahon ng pandemya.”
Dagdag pa, “sobrang nagpapasalamat po kami sa Cineko Productions Mayor Enrico Roque at Patrick Meneses na nag tiwala sa proyekto at kay Nanay Cristy Fermin na naging tulay upang mabuo ang pelikulang ito.”
-REGGEE BONOAN