NAGBALIK nitong Miyerkules si Pope Francis sa San Damaso courtyard ng Apostolic Palace sa Vatican kung saan niya idinaos ang unang weekly public audience matapos itong isara sa loob ng halos anim na buwan dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakasuot siya ng face mask habang lumalapit sa mga tao bagamat pinananatili niya ang tamang distansya at hinikayat ang mga mananampalataya na manatili na lamang sa kanilang mga upuan. Sa paglapit niya sa podium, pinasiritan ng sanitizer ng isang aide ang kanyang kamay. Ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang Santo Papa sa publiko na nakasuot ng face mask at gumamit ng hand sanitizer.
Malinaw na ginawa ng Santo Papa ang kanyang bahagi sa pagsisikap na mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa mula sa virus na nakahawa na sa 28,324,870 tao at kumitil sa buhay ng 913,913 sa buong mundo base sa datos nitong Setyembre 11, ayon sa tala ng Worldometer, isang international team ng mga developers at researchers. Sa kabuuang kaso, 20,339,603 ang naka-recover na.
Sa kaparehong araw na idinaos ng Santo Papa ang kanyang unang public appearance suot ang face mask bilang suporta para sa pandaigdigang pagsisikap na maihinto ang
COVID-19, binigyang-diin ng World Health Organization (WHO) ang kahalagahan ng kaligtasan sa nagpapatuloy na pagsisikap ng mundo upang makabuo ng isang bakuna laban sa virus.
Napaulat na inihinto muna ang trial sa isang bakuna na binubuo ng AstraZeneca katuwang ang University of Oxford sa England matapos magkaroon ang isa sa mga volunteers sa Phase III tests ng hindi inasahang transverse myelitis, isang inflammatory syndrome na nakaaapekto sa spinal cord na kalimitang idinudulot ng viral infections. Pinangalanan naman ang isang independent committee upang matukoy kung ang sakit ay idinulot ng bakuna na sumasalang sa pagsusuri.
Inilarawan ng WHO ang AstraZeneca vaccine bilang posibleng nangungunang kandidato sa listahan ng maraming bakuna na kasalukuyang nasa kani-kanilang final Phase III tests sa mundo. Kinukuwestiyon naman ang mga bakuna na isinusulong ng Russia at United States bagamat hindi pa nakukumpleto ang Phase III tests nito.
Inaasahan ng WHO na matatapos ang final tests sa mga nasabing bakuna sa pagtatapos ng taong ito. Susundan naman ito ng mass production at distribusyon ng bakuna sa mga bansa sa buong mundo. Inaasahang maisasakatuparan ito sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Sa ngayon, kaya lamang maprotektahan ng mundo ang sarili nito mula sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga tao ng face masks at, kung kayayanin, kasama ng face shield, social distancing na may layong isa hanggang dalawang metro, sa pag-iwas na hawakan ang mga posibleng infected areas tulad ng mga doorknobs at armrests, kasama ng palagiang paghuhugas ng kamay.
Naging halimbawa si Pope Francis para sundin ng lahat nang magsuot siya ng face mask at gumamit ng hand sanitizer nang makipagkita siya sa mga tao sa San Damaso courtyard sa Apostolic Palace sa Vatican. “Health, in addition to being an individual good, is also a public good,” aniya. “A healthy society is one that takes care of everyone’s health.”