Minaliit kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anumang bantang pag-e-espiya ng China sa militar ng Pilipinas kaugnay ng pakikipagkasundo nito sa ikatlong telecommunication player sa bansa kung saan 40 porsiyento ng kumpanya ay pag-aari ng Chinese company.

Sinabi ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgar Arevalo, mababa aniya ang nasabing banta batay na rin sa kanilang pag-aaral sa sitwasyon.

Gayunman, nag-iingat pa rin sila kontra sa bantang pang-e-espiya ng China at sa iba pang security risk sa pakikipagkasundo nila sa kumpanyang Dito Telecommunity kaugnay ng pagtatayo ng mga cell site sa mga kampo ng militar sa bansa.

“Sa totoo lang, we consider ‘yong threat to be low because nagsagawa na tayo ng assessment before tayo pumirma,” pahayag ng opisyal.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang usapin na lumabas sa unang bahagi ng taon ay naungkat matapos ihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong nakaraang Miyerkules na pumirma na ito sa Memorandum of Agreement (MoA) para sa nasabing plano.

“I signed the contract recently,” paglalahad ni Lorenzana sa mga kongresista sa ginanap na deliberasyon sa budget ng Defense department sa House of Representatives.

Nagpahayag ng pangamba ang mga mambabatas dahil madali na lamang sa China na makinig sa smart phone ng mga opisyal ng militar sa pamamagitan ng spy softwares na magdadala ng impormasyon sa tulong ng cell sites ng Dito.

Nauna na ring nabahala si retired Senior Associate Justice Antonio Carpio kaugnay ng nasabing kasunduan at sinabing posible nang maniktik ang China sa mga opisyal ng militar sa isasagawang command conference ng mga ito.

Gayunman, kinontra ito ni Arevalo na nagsabing mababa ang posibilidad ng pag-i-spy ng China sa militar ng bansa.

“There’s a low threat in terms of concerns on spying or listening devices. Pinag-aralan na ‘yan, may experts tayo na nakakaintindi diyan. Secretary of National Defense Delfin Lorenzana said the reason why he signed it is because he was satisfied with the AFP’s presentation of the risk assessment in terms of what preparations or measures will be executed to ensure that national security will be protected,” ayon pa kay Arevalo.

Kaugnay nito, ipinababasura naman ni Senator Francis Pangilinan ang nasabing kasunduan ng AFP at ng naturang telecommunication company.

“The Secretary should rescind the deal as it compromises the security of our citizens and our country as whole, especially security of our data, which is the currency of this century,” ayon sa pahayag ni Pangilinan.

Idinahilan ni Pangilinan, posibleng magkaroon ng “massive security breach” sa kasunduan, lalo sa panghihimasok at militarization activities ng China sa West Philippines Sea.

“Meron tayong usapin sa China tungkol sa West Philippine Sea, meron pa sa Benham Rise. Patuloy nilang nilalapastangan ang ating yamang-dagat at binabawalan ang ating mangingisda na maghanapbuhay sa teritoryo natin,” giit ng senador.

“Pero ano ginagawa natin sa usaping ito? Parang meron tayong kapitbahay na nang-aangkin ng ating bakuran at papapasukin pa natin para magbantay ng bakuran natin,” aniya.

Dapat din aniyang gayahin ng bansa ang iba pang mga bansa na ibinawal ang mga Chinese company sa pakikipagkasundo sa kanila dahil sa posibleng pang-e-espiya.

-Martin Sadongdong at Vanne Elaine Terrazola