Nagpostang residente ng Cebu sa kanyang social media na hindi ikinatuwa ni DILGSec. Eduardo Ano. Bagkus, tinawag niya itong fake news. Ang fake news na tinutukoy niya ay iyong inilathala ni Gabriel Marvin Cabier sa kanyang facebook page na nakasulat sa Visayan na pinamagatang “One Ride One Shot.” Dito niya sinabi na parang tagubilin mula sa home secretary: “Mga mag-asawa ay dapat magpraktis ng physical distancing pagkatapos magtalik.” Base dito, nagsampa ng demanda si Sec. Ano laban kay Cabier sa Quezon City Prosecutor’s Office. Inakusahan niya ito ng unlawful use of means of publication and unlawful utterances in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012 and Article 142 of the Revised Penal Code or inciting to sedition as amended by Presidential Decree No. 1974 in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012. Ayon kay Ano, nagkalat ng fake news si Cabier sa kanyang Facebook page na kumuha ng 11,000 shares, 3,600 reactions at 1,900 comments as of Aug. 11.
“Ipinursige namin ang pagsasampa ng mga kasong kriminal bilang babala sa lahat ng mga gagawa ng fake news upang magisip sila ng dalawang beses bago nila gawin ito. Uusigin namin siya dahil ito ay mali at hindi dapat tulutan,” wika ni DILGSpokesperson Jonathan Malaya. Aniya, inihain namin ang reklamo noong Aug. 20 pagkatapos malaman ng Philippine National Police na si Cabier ang administrator ng FB page. “Ang kalayaang magpahayag ay hindi lubos lalo na kung binabaluktot nito ang pangyayari at hindi ito ginagamit para magkalat ng fake news at maling impormasyon,” wika pa ni Malaya.
Sa totoo lang, hindi lang si Cabier ang naghayag ng ganitong saloobin na kinokonsidera ni Ano na krimen. Halos lahat ng mga taong tumutol sa ipinatupad dating tuntunin ng Inter-Agency Task Force Against Infectious Disease (IATF) hinggil sa barrier na ipinalagay sa pagitan ng nagpapatakbo ng motorsiklo at ng kaangkas niya. Kasi, maging ang magasawa ay ipinasakop ng IATF sa nasabing protocol nito. Kailangan may barrier sa pagitan nila kapag sila ay nakasakay sa motorsiklo. Ang layuning ng protocol na ito ay para maiwasan ang paglipat ng coronavirus sa isa’t isa. Tulad ni Cabier, ginawang katawa-tawa ang pagpuna ng mga tumutol sa protocol na ito. Hindi nga naman praktikal. Laging magkasama ang magasawa sa kanilang tahanan, samantalang sa pagsakay nila sa motorsiklo, kailangan magkahilaway sila. Magsisilbi bang paraan ito para masawata ang pagkalat ng virus? Nakita rin ng IATF ang kawalan ng silbi ng protocol, kaya hindi na nito ipinatupad ito. Pero, gumastos na ang mga napilitang sumunod dito.
Ang gawing katawa-tawa ang impraktikal na tuntunin ay isa sa mga paraan ng pagtutol. Sakop ito ng malayang pamamahayag lalo na kung ang tinutuligsa ay polisiya at hindi ang tao mismo. Dapat din intindihin ni Ano na siya ay opisyal ng gobyerno at kailangan hindi siya dapat balat-sibuyas sa mga puna lalo na ang pinupuna ay hindi siya kundi ang kanilang ginagawang tuntunin na ipinatutupad sa mamamayan. Ang gobyerno ay sa taumbayan, si Ano at iba pang opisyal ng gobyerno ay administrador lamang nito.
-Ric Valmonte