PINATAWAN ng ‘indefinite ban’ sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang kontrobersyal coach na si Aldin Ayo ng University of Santo Tomas (UST) bunsod ng direktang paglabag sa ‘health protocol’ ng Inter- Agency Task Force (IATF) nang magsagawa ng ‘bubble training’ ang Golden Tigers sa kanyang bayan sa Sorsogon sa gitna ng lockdown.
“He endangered the health and well-being of the student-athletes under his charge when he conducted the training during a government-declared state of public emergency intended to arrest the COVID-19 outbreak”, pahayag sa opisyal na desisyon ng UAAP Board.
Hindi naman maliwanag kung pinagbabawalan din si Ayo na makapagpatuloy ng kanyang career sa ibang liga amateur, collegiate o professional.
Ayon sa source ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang nasabing ban kay Ayo ang isa sa isyu na pag-uusapan ng management committee sa nakatakda nilang regular online meeting.
Dati ng naging coach si Ayo sa NCAA nang gabayan nito ang Letran Knights Season 91 title bago lumipat ng La Salle nang sumunod na taon. Bagamat parehong nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, ayon sa SBP ay hindi nila puwedeng atasan ang NCAA na ipatupad din ang ban kay Ayo dahil may sarili itong by-laws na sinusunod.
“We at the SBP recognize that each league has its own constitution, by-laws, and board members. We respect their decisions and policies but we cannot enforce it on other stakeholders of the federation,” ani SBP Director of Operations Butch Antonio.
Gayunman, may mga pangyayari nang naganap noon kung saan ang sanction na ipinataw ng UAAP ay kinilala at ipinatupad din ng NCAA. Nilinaw ng SBP na nasa diskresyon na ng NCAA kung hindi rin nila tatanggapin o hahayaang makabalik sa kanilang liga si Ayo.
-MARIVIC AWITAN