HETO na naman sila, kauupo pa lang ng bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP), katapus-tapusan ilang tulog lang ay magigising na naman tayo na may bagong PNP chief.
Hindi ko tinatawaran ang galing ng bagong upong Chief PNP na si Gen. Camilo Cascolan – pang-apat na sa mga miyembro ng PMA Class 1986 na naging pinuno ng PNP -- pero ano kayang “magic” ang gagawin niya upang mapaganda at maiangat ang imahe ng PNP sa loob ng dalawang buwan na panunungkulan?
Tama ba ‘yung narinig ko – ipagpapatuloy ang mas pinag-igting na giyera laban sa droga na natabunan sa pananalasa ng pandemiyang Coronavirus Disease (COVID-19).
Bigla kasi pumasok sa aking isipan ang mga dati kong kilala na mga magigiting din na opisyal na pulis at militar na halos isang taon pa bago magretiro, nagpa-file agad ng “non-duty status” habang inaasikaso na ang kanilang pagreretiro, at ‘di na nag-aambisyon pa ng susunod na mataas na posisyon.
Katwiran ng mga ito, baka sumabit pa ay mapurnada ang malaking halagang pension na inaasahan nila dulot ng mahabang panahong pagse-serbisyo sa bayan. Pero iba na ngayon ang mga nakaupong opisyal na pulis at militar – ilang buwan na lang, humihirit pa ng magandang puwesto! Bakit nga kaya?
Ito kasi ang siste dyan. Sa kagustuhan ng mga nakaupong pinuno na mapagbigyan lahat ang mga karapatdapat na opisyal na nakapila upang maupo sa mataas na posisyon sa pamahalaan, partikular na rito ang pulis at militar, ginagawa nila ang practice na ito na kung tawagin ay “revolving-door policy” o ang mabilis na pagpapalitan ng mga opisyal kahit na pa-retiro na ang mga ito.
Sa pagkakaalam ko, ito ay bilang pagbibigay sa mga opisyal na pinagkakautangan ng loob o kaya nama’y rekomendado ng ‘di matatanggihang kaibigan o kumpale -- na kadalasang mga nakatulong sa nakaupong pinuno noong nagdaang eleksyon.
Ang depensa naman ng mga pinuno na madalas gumawa ng ganito: “There must be continuity in the implementation of policy in the AFP and PNP.”
Sabagay mas matindi yata ang ganito sa AFP. Kung tama ang tantiya ko, ang huling limang naging Chief of Staff ay di man lamang umabot ng tig-isang taon. Yung iba pa nga halos apat na buwan lamang sa serbisyo! Pero sa pag-upong ito ni General Cascolan – breaking the record siya dahil dalawang buwan lamang ang itatagal niya…maliban na lamang kung magkakatotoo ang bali-balitang i-extend ng anim na buwan ni Pangulong Duterte ang appointment niya. Para sa akin ay medyo malabo rin ito dahil sa marami pang nga na mga nakapila rin na dapat mapagbigyan.
Isa pang pinanghihinayangan ko sa ganitong mabilis na palitan ng mga opisyal ay ang malaking halaga na nagagastos sa magkakasunod na pagtatalaga ng mga pa-retiro ng opisyal sa PNP at AFP. Bakit kanyo – maraming dahilan at ito ang ilan.
Mantakin nyo ang gastos sa imprenta ng mga papel na may bagong pangalan at logo ng bagong upong pinuno. Pati na rin mga litrato nito na ipapakalat sa lahat ng opisina para isabit sa mga dinding nito, na di naman magtatagal ay mapapalitan din agad.
Eh yung gastos sa “renovation” ng room, mga office equipment, dekorasyon sa opisina na naaayon panlasa ng bagong upong opisyal – na agad na binabaklas kahit na maayos pang tingnan kapag iba na naman ang uupo rito.
Ang lahat ng ito ay kadalasang “raket” ng mga dealer sa kampo na siyang umuubos sa MOE ng opisina na may pahintulot ng bagong upong opisyal, dahil “happy” rin siya!
Anyway – good luck pa rin sa ating bagong Chief PNP Gen Cascolan…Sana’y maisakatuparan nang walang balakid ang programang ikinama niya para sa PNP, kahit na sa maikling panahon lamang!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.