ANIM na buwan matapos sumailalim ang Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na restriksyong ipinatupad ng Pilipinas kaugnay ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, lumalabas na bumababa na ngayon ang bilang ng mga naitatalang kaso ng impeksyon.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, pinuno ng National Task Force against COVID-19 nitong Sabado na 3,000 daily infections ang naitala nitong nagdaang biyernes, Setyembre 4, kumpara 10,000 kaso baka ang nakaraang linggo. “That means everybody is working. That is what we should do,“ aniya.
May katulad din na magandang balita ang Department of Health (DoH). Sa linggo mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, ayon sa DoH, nasa 1,900 hanggang 4,200 ang bilang ng daily new cases. Higit itong mababa mula sa naitala noong huling bahagi ng Hulyo hanggang Agosto, nang pumapalo sa 5,000 hanggang 7,000 ang naitatalang daily cases.
Sa kaparehong araw na ibinahagi ni Secretary Lorenzana ang pagbaba ng kaso sa Pilipinas, iniuljat naman ng World Health Organization na nakapagtala ang France ng 8,975 bagong kaso sa nakalipas na 24 oras, ang pinakamataas na tala mula nang magsimula ang pandemya sa France noong Marso. Nagsimula nang ipatupad ang pagsusuot ng mask sa mga pampublikong lugar sa Paris at iba pang lungsod sa France, ayon sa WHO.
Kinilala ng WHO ang pagsisikap ng ilang bansa tulad ng Russia at United States na madaliin ang malawakang paggamit ng bakunang kanilang binuo, ngunit binigyang-diin nito na hindi nila i-indorso ang anumang bakuna na hindi napatunayang ligtas at epektibo. Ang Russian at US vaccines, kasama ng mga binubuong bakuna ng United Kingdom at China, ay nasa final trial pa, kung saan sangkot ang libu-libong tao.
“In terms of realistic timelines, we are really not expecting to see widespread vaccination until the middle of next year,” pahayag ni WHO spokeswoman Margaret Harris. Tumanggi itong i-indorso ang alin mang bakuna ng Russia o US na hindi pa nakukumpleto ang kanilang final Phase-III tests.
Sa kabila ng kawalan ng bakuna, nagiging maayos na ang kalagayan natin sa Pilipinas, na pangunahing nakaasa sa mga restriksyong sinimulang ipatupad noong Marso 16, sa pagsunod sa stay-at-home order, paggamit ng face masks, palagiang paghuhugas ng kamay, at pag-iwas na maglapit-lapit.
Mula sa orihinal na Enhanced Community Quarantine (ECQ), noong Marso 16, nalipat ang Metro Manila sa Modified ECQ (MECQ) noong Mayo 16, patungo sa General CQ (GCQ) noong Hunyo 1, balik sa MECQ noong Agosto 4, at muling ibinalik sa GCQ noong Agosto 19. Nitong Setyembre 1, nanatili ang Metro Manila sa GCQ. Inaasahang maililipat na ito sa Modified GCQ, ang sunod na mababang lebel ng kestriksyon, kung bubuti ang kondisyon.
Nagawang makaya ng ating mga ospital ang malaking bilang ng mga kaso sa ating bansa, kaya mula sa kabuuang 237,365 kaso, 184,687 ang naka-recover hanggang nitong Setyembre 6, habang 3,875 ang namatay. Hangad natin ngayon na mapigilan ang muling paglobo ng impeksyon at tila nagagawa naman natin ito—sa pamamagitan ng mga restriksyon upang maiwasan ang physical contacts. Tulad nga ng wika ni Secretary Lorenzo, “This means everybody is working.”
Nananatiling malabo ang larawan ng COVID-19 sa mundo at malamang na manatili pa ito hanggang na masimulan ang mass vaccination sa buong mundo, ngunit makatotohanan lamang ito sa kalagitnaan ng susunod na taon. Hanggang sa dumating tayo roon, kailangan muna nating ipagpatuloy ang pagsisikap na ginagawa sa ating bansa, na tila gumagana naman, ayon kay Secretary Lorenzo.