NAGING piping saksi ang Manila Bay at ang makapigil hiningang tanawin ng paglubog ng araw tuwing dapithapon, sa pagsusumpaan ng wagas na pagmamahalan ng mga magsing-irog. Bahagi ito nang pamamasyal ng mga magkasi mula sa Rizal Park hanggang sa dulo ng Roxas Boulevard, na sabi nga sa adlib ng kanta ni “Mister Total Entertainer” Rico J. Puno: “Namamasyal pa sa Luneta kahit na walang pera!”
Marahil maraming tulad ko rin na may panahong pinalakpakan at iniyakan ang kinahihinatnan sa kamay ng mga liderato ng iba’t ibang admnistrasyon, ng lugar na aming madalas na pasyalan, lakaran at laruan.
Iniyakan ko ang naging estado ng mga lugar na ito noong dekada 80 na hindi na namin malakaran at mapasyalan man lang na walang kabog sa dibdib. Nagkalat kasi rito ang masasamang loob at ‘di na halos mabilang ang mga nabiktima o napatay sa lugar na ito.
Pumalakpak ako nang unang linisin ito – naiwan ang masamang dulot ng mga lumulutang na dumi at basura – at lagyan ng mga ilaw at upuan ang kahabaan nito. Nabuhay ito at muling dinayo.
Muli akong naiyak nang pamahayan naman ito ng mga kababayan nating naghihikahos sa buhay at walang pormal na tirahan. Sumingaw muli ang baho at panghi sa bawat sulok ng lugar.
Muli akong napapalakpak nang mawala ang mga nakatira rito, sa halip ay nagkaroon sila ng maliliit na puwesto ng pagkakakitaan. Nagtitinda ng mga abubot para sa mga namamasyal sa lugar. Kasabay rin ng mga ito ang magkakatabing itinayo na mga “gimikan” na dinumog ng mga kababayan nating mahilig sa paggo-goodtime.
Muli akong napaiyak nang sa pagpapalit ng administrasyon, giniba ang mga “gimikan” na sanhi raw ng pagsikip ng trapiko sa lugar. Dito na muling nasalaula ang makasaysayang lugar.
Medyo napangiti naman ako nang magkaroon ng malawakang paglilinis sa buong lugar. Pero panandalian lamang ang kasiyahan kong ito – Napahagulgol (di lang ito basta-basta iyak) nang malaman kong magkakaroon ng napakalawak na reclamation sa Manila Bay.
May 43 reclamation, dalawa sa Maynila, tig-isa naman sa Pasay City at Cavite, at sa iba pang baybaying bahagi – na may sukat na 265 hectares o 2,650,000 square meters.
Nakatatakot ito dahil batay sa pagsasaliksik na ginawa ng mga eksperto ay masama ang epekto nito – ang tawag nila rito ay “liquefaction”.
Guguho ang mga gusaling itatayo rito – mga modernong malls cum casino na pag-aari ng mga “kumpale” na negosyanteng Tsino – kapag dumating ang lindol na binansagang “The Big One” ng mga eksperto.
Saglit akong natuwa nang itanggi ito ni Benny Antiporda, dating kasamahan kong mamamahayag, na isang undersecretary na ngayon sa Department of Enviroment and Natural Resources (DENR).
Sabi ni Usec Antiporda ay walang matutuloy na reclamation sa Manila Bay dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan.
Pero ito ang siste, muntik na akong mabilaukan nang marinig at mapanood ko mismo si Usec Antiporda na tuloy ang proyekto nilang pagtatabon ng “fake white sand” – animo buhangin sa Boracay – sa coastal area sa Manila Bay bilang bahagi ng pagpapaganda sa lugar.
Pare ko naman, sa panahong ito? Sa gitna ng pandemiya na nagpadapa sa maraming pamilya sa lahat ng bahagi sa ating bansa – ito ang PRIORITY n’yo d’yan sa DENR?
Oh my gulay naman…Bakit ngayon pa?
Ang bilis at walang problemang naparating agad ng DENR sa Maynila ang tone-toneladang “fake white sand” mula sa Cebu. At take note – ang halaga nito ay lumalagapak na P397 Milyon!
Kahanga-hanga ang bilis at agap n’yo. Pero mas bibilib kami sa inyo d’yan sa DENR, kung ang galing ninyo sa paghahakot ay ginamit n’yo sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) sa pagbababa ng mga gulay – mga nabubulok dahil ‘di madala sa ibang lugar -- mula sa mga highland sa Luzon, patungo rito sa Metro Manila, kung saan ginto ang halaga ng bawat piraso nito.
Ang depensa, bilang pagsunod lamang daw ito sa utos ng Supreme Court na “for a massive cleanup and restoration of Manila Bay”, na sagot sa petition ng isang abugadong environmentalist na Caviteño, tatlong administrasyon na ang nakararaan.
PRIORITY mga kaibigan…yan ang ating kailangan sa ngayon sa gitna nang pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.