KUNG magiging totoo ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, chairman ng National Task Force on Covid-19, umaasa ang gobyerno na bababa na ang bilang ng mga Pilipino na nagpopositibo sa coronavirus 2019 (COVID-19) sa pagtatapos ng buwang ito. Kung tawagin ito sa English ay “flattening the curve.”
Ayon kay Lorenzana, nais nilang mag-shift na ang bansa sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Nobyembre mula sa General Community Quarantine (GCQ) sa layuning buksan ang ekonomiya at nang magkatrabahong muli ang milyun-milyong Pinoy na nangawalan ng hanap-buhay dahil sa pandemya.
Sinabi niya na ang adhikain ng gobyerno sa buwang ito ay “to flatten or lower the curve by the end of September so we can go to MGCQ and ease the life of the people.” Si Lorenzana ay namuno sa pulong ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team sa Caloocan City noong Sabado.
Sana ay magdilang-anghel si Sec. Lorenzana para ma-flatten na ang kurbada ng pandemic na labis-labis na ang dulot na pagdurusa sa mga Pilipino sa nakalipas na anim na buwang sila ay nakakulong lang sa bahay at wala halos makain.
Mula sa Geneva, iginiit ng World Health Organization (WHO) na hindi nito kailanman ieendorso ang isang bakuna na hindi pa napapatunayan na ligtas at mabisa. Nagbabala ang WHO sa paggamit ng bakuna kasunod ng paglitaw ng Sputnik V ng Russia na ayon sa kanilang pananaliksik ay epektibo at makagagamot sa COVID-19.
Sa ngayon, may 27 milyon nang tao ang apektado sa buong mundo at may 800,000 ang namamatay. Nagkakarera ang mga bansa sa daigdig, sa pangunguna ng Russia, US, China, na makatuklas ng mabisang bakuna o gamot laban sa coronavirus.
Sa ilalim ng normal procedures, dapat maghintay ang test administrators ng mga buwan o taon para mapatunayan na ang mga bakuna (vaccine candidates) ay ligtas at mabisa sa mga tao. Bunsod ng patuloy na pagdami ng bilang ng nagpopositibo sa virus, minamadali ng ilang bansa ang pagpapalabas ng bakunang natuklasan nila.
Gayunman, sinabi ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Secretary General ng WHO, na hindi ito dapat madaliin o kaya’y ibaba ang testing standards para mabakunahan lang agad ang mga tao. “Hindi iendorso ng WHO ang vaccine na hindi mabisa at ligtas.”
Ang Pilipinas ay umaasa rin na magkakaroon ng bakuna laban sa salot na Covid-19. Dahil kinakaibigan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sina Russian Pres. Vladimir Putin at Chinese Pres. Xi Jinping, malamang na bibigyang-prayoridad ng Russia at China ang PH sa pagkakaloob at pagkakaroon ng bakuna. Paano kung mauna ang United States?
-Bert de Guzman