MAYROON ngayong 175 COVID-19 vaccine na nakasalang sa iba’t ibang bahagi ng pagbuo, ayon sa World Health Organization (WHO), kung saan 33 ang nasa human trials na. Bawat sinusuring bakuna ay nagpakita ng magandang resulta sa unang bahagi ng eksperimento sangkot ang daan-daang tao, ngunit ang kailangang patunay, ayon sa WHO, ay ang Phase III na sangkot ang libu-libong volunteers.
Kailangang malaki ang pinal na bahaging ito ng pag-aaral upang maipakita ang mataas na katiyakan na uubra ang bakuna sa tunay na mundo. At kailangan ding mahaba ito para sa posibleng malubhang side effect na uusbong, ayon kay WHO chief scientist Soumya Swaminathan.
Anumang bakuna na magpapakita ng pagiging epektibo sa kalahati ng mga taong gagamit ang makakukuha ng clearance. Kailangang bantayan nang matagal ang mga lalahok sa trial upang makita kung mayroon mang malalang side effect nalilitaw.
Maaaring inilabas ng WHO ang paalalang ito sa gitna ng mga ulat na ilang bansa ang nagmamadali sa proseso ng pagte-test sa kanilang mga bakuna upang makuha ang pagtangi bilang unang nakapag-develop ng epektibong bakuna para sa COVID-19.
Noong Agosto, inilabas ng Russia ang bakuna na tinawag nilang “Sputnik V”, na anila’y, sisimulan nang gamitin sa mga guro at health workers sa Oktubre, kahit hindi pa ito dumadaan ng Phase III tests. Nasa Phase III trials naman na ang bakunang binubuo ng United Kingdom, United States, China, at Germany, ngunit sa Disyembre pa inaasahang makukumpleto ang pinal na pagsusuri sa bakuna.
Ikinagulat naman ng marami nitong Huwebes, ang anunsiyo ng US Centers for Disease Control and Prevention, na nagpadala na ito ng liham sa mga gobernador ng 50 estado ng Amerika upang maghanda para sa COVID-19 vaccine na maaaring maipamahagi na sa Nobyembre 1. Sinabihan ng federal agency ang mga gobernador na bilisan ang pag-aapruba ng aplikasyon para sa pamamahagi ng bakuna sa estado at sa mga local health departments at hospital.
Nobyembre 1 ang petsa na inaasahang maipapamahagi ang bakuna—na agad namang nagbigay ng pangamba na baka ang utos ay isang politikal na hakbang ng Trump administration. Ang Nobyembre 1 ay dalawang araw lamang bago ang inaabangang US presidential election sa November 3, Martes. Ang isang malawakang pamamahagi ng bakuna ay malinaw na plano upang ipakita ang aksyon ng administrasyon sa COVID-19 pandemic na nakahawa at pumatay nang higit sa mga Amerikano kumpara sa anumang bansa sa daigdig.
Maaaring may politikal na motibo sa hakbang at pahayag ng ilang bansa, ngunit ikinagagalak natin ang lahat ng pagsisikap ng maraming pamahalaan at mga drug manufacturing organization sa pag-develop ng bakuna laban sa COVID-19. Makikita natin ang mangyayari sa mga bakuna na sinasabing minamadali, tulad ng Russia at US, ngunit dapat tayong maghintay para sa mga tutupad sa itinakdang panuntunan ng World Health Organization.