NAGSAMA-SAMA ang Asia-Pacific nations sa United Nations’ Food and Agriculture Organization (UN FAO) virtual conference upang bumuo ng plano para sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at pagbangon upang malimitahan ang epekto ng pandemya at matalakay ang krisis sa kagutuman.
Habang patuloy na nagbabanta ang COVID-19 sa buhay at kabuhayan sa maraming bansa sa Asia-Pacific region, nagdulot din ito ng pagkaantala upang mawakasan ang kagutuman at malnutrisyon, anunsiyo ng UN FAO, binigyaang-diin sa pahayag na inilabas ng FAO Regional Office para sa Asia- Pacific.
Tahanan ang Asia-Pacific region ng higit kalahati ng undernourished sa mundo, at sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, inaasahang malaki ang itataas ng bilang ng mga nagugutom sa Southern Asia, na maaaring umabot ng 330 milyon pagsapit ng 2030, ang Sustainable Development Goal deadline na itinakda ng pandaigdigang komunidad upang wakasan ang kagutuman at malnutrisyon sa lahat ng uri nito.
Bilang tugon, dumalo ang mga kinatawan mula sa 46 FAO member states ng Asia and the Pacific sa isang four-day virtual conference upang mataya ang kasalukuyang sitwasyon ng food security sa rehiyon, na may tiyak na pagdidiin sa mga implikasyon na konektado sa pagkalat ng coronavirus disease at ang epekto nito sa food system ng buong rehiyon.
Higit 400 delegado ang nakiisa sa virtual meeting FAO’s 35th Session of the Asia-Pacific Regional Conference na pinangunahan ng Royal Government of Bhutan.
Kinabibilangan ang pagpupulong ng mga opisyal ng gobyerno, pribadong sektor, civil society, akademya at mga technical experts sa sektor ng pagkain at agrikultura.
MODERNONG PARAAN
Mula Afghanistan at Iran sa kanluran, patawid sa mataong bahagi sa Timog at Silangang Asya, at sa Pacific Islands, kinakailangan ang makabagong paraan at lapit magabi ang dalawang pandemya ng COVID-19 outbreak at kagutuman.
Isang salik ding maituturing ang climate change na humahadlang sa pagsisikap ng rehiyon na maitaas ang resilience sa food system.
“We must come to terms with what is before us and recognize that the world and our region has changed. We must find new ways to move forward and ensure sustainable food security in the face of these twin pandemics as well as prepare for threats that can and will evolve in future,” pahayag ni Assistant Director-General and FAO Regional Representative for Asia and the Pacific Jong-Jin Kim.
“This virtual conference brings together people and ideas to chart a true course of action for the benefit of all,” dagdag pa ni Kim.
Tampok naman sa kumperensiya ang kalulunsad lamang ng FAO na COVID-19 Response and Recovery Program na idinesenyo upang mag-alok ng “flexible and coordinated global response targeted” upang masiguro ang access sa masusustansiyang pagkain para sa lahat. Kabilang sa programa ang mobilasyon sa lahat ng porma ng resources at pagtutulungan sa bansa, rehiyon at global na lebel.
Pangunahing tuon nito na malimitahan ang epekto ng Covid-19 pandemic habang pinatatatag ang longer-term resilience ng food systems at kabuhayan sa rehiyon.
Tinalakay rin sa pulong ang mga bagong marketing channel, tulad ng e-commerce at bagong teknolohiya, kabilang ang mga mas maayos na storage facilities, upang mabawasan ang pagkasayang mga pagkain, lalo’t mahalaga ito upang masiguro ang daloy ng masusutansiyang pagkain at mapalakas ang kita ang mga nasa sektor ng pagkain at agrikutura.
Kasing-halaga nito ay ang pag-agapay sa mga maliliit at pamilya ng magsasaka—ang nagpo-produce sa karamihan ng mga pagkain natin—upang higit na maging dinamiko, entrepreneurial, at competitive sa pamamagitan ng patuloy na inobasyon. Dapat naman ibigay sa mga smallholders ang mas malaking access sa financial, technology at innovation.
PNA