Sinimulan na ng Kamara na talakayin ang P4.506 trilyong national budget para sa 2021 sa pamamagitan ng paghikayat sa mga mamamayan na lumahok sa deliberasyon.
Ang paghikayat sa publiko na mag-obserba at lumahok sa paghimay ng pambansang budget ay inisyatiba mismo ni Speaker Alan Peter Cayetano na nangakong magiging transparent ang deliberasyon upang mawala ang duda ng mga Pilipino.
“We will work closely with the Executive, with the Senate in passing this budget. But also with the media, so that people will be much more informed,” anang Speaker.
Para kay Rep. Eric Go Yap, chairman ng House Committee on Appropriations, welcome ang mga mamamayan sa budget hearings.
“I-o-open namin sa public ang budget hearing na ito, at i-involve namin lahat ng Pilipino,” aniya.
Samantala, nagbigay ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo nina Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez, acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, ng briefing sa mga mambabatas tungkol sa panukalang 2021 National Expenditure Program na may titulong “Reset, Rebound, and Recover: Investing for Resilience and Sustainability.”
Ang panukalang P4.506-trillion national budget para sa 2021 ay mas mataas nang 10 porsiyento kaysa sa 2020 budget na P4.1 trilyon.
Ipinabatid ng DBCC na ang malaking alokasyon ay mapupunta sa social services na bibigyan ng P1.66 trilyon o 36.9 porsiyento ng national budget.
Kabilang dito ang priority programs para sa pagpapabuti sa health systems improvement upang mapalakas ang paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
-Bert de Guzman