Dahil sa kanyang Facebook post, hinatulan kamakailan ng hukuman sa Australia na mabilanggo ang isang ama ng dalawang menor de edad na sinasabing dinukot ng social workers noong 2014.

Si Inocencio Coy Garcia, taga-Sydney, Australia ay pinatawan ng Mt. Druitt Local Court, New South Wales sa Sydney ng 14 buwan na pagkakakulong na walang parole sa kasong unlawfully broadcast/publish name of child, nitong nakaraang Setyembre 3. Kaugnay nito, binatikos ni Garcia si Phillippine Consul General Ezziden Tago sa Sydney, dahil sa hindi umano pagtulong sa kanya kaugnay ng nasabing kaso.

Pagdidiin ni Garcia, ilang ulit na siyang humingi ng tulong sa Philippine Consulate sa Sydney gayunman, tanging dumating sa korte ang kinatawan ng Philippine Consulate na si Maybel Marinay-Caparino upang saksihan lamang ang pagbaba ng hatol ng korte laban sa kanya.

Hindi man lamang aniya siyang binigyan ng abogado na magtatanggol sana sa kanya sa mga kasong isinampa nito laban sa mga social worker ng Department of Children Services (DoCS) at tauhan ng Family Community Service and Justice (FCSaJ) na kumidnap umano sa dalawa niyang anak na pawang menor de edad noong Setyembre 23, 2014.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Namuno aniya sa pagdukot si DoCS case acting manager Kayleigh Wotherspoon.

Nangyari aniya ang pagdukot habang ito ay nasa trabaho.

Isinalaysay pa ni Garcia na inakusahanumano siya Wotherspoon ng child abuse, malnutrition at domestic violence upang pagtakpan ang nangyaring insidente ng pagdukot at magkaroon ito ng basehan upang kunin ang kustodiya ng dalawa niyang anak.

“Ngayon araw, [September 3, 2020] alam ko na ipapakulong ako ng korte upang hindi ko mabawi ang dalawa kong anak na kinidnap ng mga social workers. Wala akong abogado na magtatangol sa akin at sinabi ko ito kay Maybel Marinay-Caparino, ngunit sinabihan niya ako na hindi siya abogada at hindi niya ako mabibigyan ng abogado at nandoon lamang siya upang tunghayan ang gagawin paghatol sa akin ng korte,” paliwanag ni Garcia sa kanyang Facebook post.

Nauna nang humingi ng tulong si Garcia kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. upang maibalik sa kanya ang dalawa niyang anak.

-Bella Gamotea