PINATUNAYAN ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na siya ay malusog at malakas pa nang magtungo siya sa Jolo, Sulu noong nakaraang linggo. Tama si Sen. Bong Go, matapat na kasama ng Pangulo, na si Mano Digong ay healthy at malakas pa sa kalabaw. Sa edad na 75, kahanga-hanga ang tibay niya sa paglalakbay.
Bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga kawal na namatay sa kambal na pagsabog sa Jolo, hinalikan ni PRRD mismo ang lupa sa lugar na pinangyarihan ng suicide bombing attack. Sinabihan niya ang mga sundalo na nakakita sa pagluhod at paghalik sa lupa “na ang pakikibaka ang tanging paraan sa atin upang kumilos tayo ngayon para matamo ang kapayapaan sa Mindanao.”
Sa harap ng mga kawal sa Jolo na pinangyarihan ng kambal na pagsabog na ikinamatay ng 15, kabilang ang pitong sundalo at sumugat ng iba pa, inamin ni Pres. Rody na isang “impossible dream” ang pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao, at isa ring “unreachable star” sapagkat ang karahasan ay naghahangad din ng paghihiganti.
Iginiit ng Punong Ehekutibo na kung ang pagkakamit ng kapayapaan ay parang isang “imposibleng panaginip” at isang “di-maabot na bituin“, tungkulin at pananagutan ng mga lider ng bansa na tulad niya, na gumawa ng mga paraan upang subukan at makipag-usap (sa mga kaaway) hinggil sa kapayapaan.
Ayon kay Mano Digong, maaari pa rin siyang makipag-usap ng kapayapaan sa mga kaaway habang inaatasan niya ang mga sundalo na lumaban din naman. Hindi aniya mapipigilan ang mga kawal na ituloy ang misyon na puksain ang mga insurektos. Samantala, ang mga insurektos naman daw ay tiyak na lalaban upang “bigyang luwalhati si Allah.”
Umaasa ang Pangulo na magbibigay si Allah ng liwanag ng kaisipan ng lahat. “If we cannot really agree, then we fight and we fight hard hanggang magkaubusan na (until nobody is left). Maybe by that time, kung ubos na ang lahat, wala ng giyera (if nobody’s left, there would be no more war)”.
Aminado siya na hindi niya batid kung kailan matatamo ang kapayapaan sa Mindanao ngunit umapela siya sa lahat na pag-isipan ang impact o epekto ng mahabang labanan at karahasan sa susunod na henerasyon.
Ganito ang pahayag ng Presidente: “I am urging you, even as you fight, think about peace. Because if I will say to you that this is 2020, in 2021 (sic), I will step down. Does it mean come 2023, 2024, 2025, until 2050 it would be the same? It’s not just about religion... It’s about your generation”.
Kailan nga kaya magkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao na tinatawag na Lupain ng Pangako? Mayaman at malusog sa likas na yaman ang Mindanao. Mababait ang mga tao rito. Subalit katakatakang hanggang ngayon ay hindi makadapo ang “Ibon ng Kapayapaan” sa sanga ng pagkakasundo at pagkakaunawaan.
May bago nang puno ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa katauhan ni ex-NBI director Dante Gierran. Hinirang siya ng Pangulo kapalit ng nagbitiw na si ex-Gen. Ricardo Morales, dating kasapi ng RAM na kasamahan ni ex-Sen. Gringo Honasan. Sana ay tumino na ang pamamalakad sa PhilHealth na kamakailan ay nabalot ng katakut-takot na isyu ng anomalya at kurapsiyon.
Bago man lang mamaalam at bumaba sa puwesto ang ating Pangulo, sana ay mapababa niya, kung hindi man tuluyang masugpo, ang katiwalian sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno. Sana rin ay magtagumpay siya sa paglaban sa illegal drugs na salot sa lipunang Pilipino.
-Bert de Guzman