HINDI umaasa ang World Health Organization na maisasakatuparan ang widespread immunization laban sa novel coronavirus hanggang sa kalagitnaan ng 2021, sa kabila ng lumalagong ekspektasyon sa US at sa iba pa na maaari nang mailabas ang bakuna sa mga susunod na linggo, pahayag ng ahensiya nitong Biyernes.

Sa buong mundo, umaasa ang mga pamahalaan na maianunsiyo ang bakuna sa lalong madaling panahon at maisagawa ang treatment para sa COVID-19, na kumitil sa halos 870,000 katao at nakahawa na sa higit 26 milyon.

Ikinagagalak ng UN health agency ang katotohanan na “considerable number of vaccine candidates” ang pumasok na sa pinal na bahagi ng Phase III trial, kung saan kalimitang sangkot ang libo-libong mga tao.

“We know of at least 6 to 9 that have got quite a long way with the research already,” pahayag ni WHO spokeswoman Margaret Harris sa Geneva.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gayunman, idiniin niya na, “in terms of realistic timelines, we are really not expecting to see widespread vaccination until the middle of next year.”

Sa ilalim ng normal procedure, kailangang maghintay ng mga test administrator ng ilang buwan o taon upang matiyak na ligtas at mabisa ang bakuna.

Ngunit sa pagpapatuloy na pamiminsala ng pandemya, higit ding tumataas ang pressure upang mabilis na mailabas ang bakuna.

Nasiwalat ngayong linggo na hinikayat ng Washington ang mga estado sa US na maghanda na para sa potensiyal na coronavirus vaccine rollout bago ang Nobyembre 1, na nagdudulot ng pangamba na baka nagmamadali ang administrasyon ni President Donald Trump na masimulan ang pamamahagi ng bakuna bago ang halalan sa Nobyembre 3.

Naglabas din ng posibilidad ang US Food and Drug Administration na maaaring bigyan ng emergency authorization ang bakuna bago pa magtapos ang trial.

Nahaharap ang FDA sa alegasyon mula sa medical community, na itinanggi nito, na sumusunod ito sa political pressure ni Trump, upang mahila sa poll si Democratic challenger Joe Biden.

‘NO CUTTING CORNERS’

Ang ikinababahala, para sa paggamit ng emergency use approval, mas mababa ang basehan para masabing ligtas at epektibo ang bakuna kumpara sa normal full approvals.

Binigyang-diin kamakailan ng ilang pharmaceutical company executives, ang kahalagahan ng pagsunod sa high testing norms, kasabay ng pangakong walang tatapyasin sa safety and efficacy standards, kahit pa may labanan sa pag-uunahan na mailabas sa merkado ang coronavirus vaccines at treatments.

“The good news is the manufacturers are already putting bets on which one is likely to be the vaccine,” pahayag ni Harris.

“[Many were] already working out how they can scale up production of vaccines once we know which one are the ones we will roll out,”aniya.

Ayon sa WHO, 34 vaccine candidates worldwide ang kasalukuyang nasa iba’t ibang phases ng pagte-test sa tao, habang 142 ang nasa pre-clinical evaluation.

Sinabi ni Soumya Swaminathan, WHO chief scientist, na nakikipagtulungan na ang UN agency sa mga eksperto sa mundo, kabilang ang FDA, upang linawin ang pamantayan para sa pagdedeklara kung ang isang bakuna ay ligtas at mabisa.

“We’d like to see a vaccine with at least 50% efficacy, preferably higher,”aniya.

Agence France-Presse