TILA ‘domino effect’ ang pagkakabulgar ng isinagawang ‘bubble practice’ ng University of Santo Tomas.

Matapos ang ‘expose’ sa tahasang paglabag ng UST Tigers sa ipinapatupad na ‘safety protocol’ ng Inter-Agency Task Force (IATF), gayundin ng National University Lady Spikers, nakatuon naman ang imbestigasyon sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, hawak ng UAAP Board of Managing Directors ang kopya ng video kung saan nagsasagawa ng ensayo ang Fighting Maroons sa isang gym sa Silang, Cavite. Naganap umano ang ensayo nitong Hulyo kung saan nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang buoang lalawigan ng Cavite.

Mahigpit na ipinagbabawal ng IATF batay sa inaprubahang Joint Administrative Order (JAO) na inirekomenda ng Games and Amusements Board (GAB), Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH) ang maramihang ensayo sa non-professional sports.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Tanging ang pro basketball, football, boxing at combat sports ang pinayagan ng IATF para sa hinay-hinay na pagbabalik sa ensayo, gayundin ang horse-racing batay naman sa kahilingan ng Philracom.

Nagsagawa umano ng training ang UP matapos makuha ang commitment para sa paglipat sa Diliman-based team nina dating NU Bullpups standouts Carl Tamayo at Gerry Abadiano.

Sinasabing si Cavite Governor Johnvic Remulla ay isa sa team managers ng UP kung kaya’t malayang nakapagensayo ang koponan.

Kaagad namang pinabulaanan ni UP Fighting Maroons head coach Bo Perasol ang akusasyon at tahasang sinabi na nagkaroon lamang ng shootaround sa pagitan nila ni senior center Bright Akhuetie.

Hindi naman malinaw sa pahayag ni Perasol na kasama sa Cavite ang buong UP Fighting Maroons.

“Nag-shoot around kami sa court namin, pero kami lang ni Bright,” pahayag ni Perasol sa kanyang social media account. “That was the time na natulog si Bright dito sa amin. Ako at pamangkin ko ang kasama para may taga-pulot kami ng bola.”

Hinihinalang ang nasabing training ng Maroons sa Cavite ang tinutukoy sa statement ng UAAP na “other related cases” na kailangan nilang pag-usapan kasunod ng naganap na zoom meeting sa IATF hingil sa kaso ng UST at NU.

-Marivic Awitan