WALA akong makitang kapansin-pansing pagbabago sa ‘marching order’ para sa mga itinatalagang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) -- at maging sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa iba pang opisyal ng mga kagawaran. Ang naturang utos na laging binibigyang-diin tuwing nagpapalit ng liderato sa naturang mga ahensiya ay nakatuon sa isang misyong halos imposibleng maipagtagumpay: Ibalik ang tiwala ng sambayanan sa nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno.
Ang gayong utos ang laging ipinahihiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang itinatalaga niya sa anumang tungkulin, tulad ng kanyang tagubilin sa pagkakahirang kay Lt. Gen. Camilo Cascolan bilang kahalili ni Gen. Archie Gamboa. Kaakibat ng nasabing direktiba ang pagpapaigting ng kampanya laban sa mga katiwalian at higit sa lahat sa pagpuksa ng illegal drugs na bahagi ng plataporma ng administrasyon hinggil sa paglikha ng drug-free Philippines.
Totoong mahirap linisin, wika nga, sa tinatawag na ‘bad eggs’ ang PNP -- at maging ang AFP at iba pang tanggapan ng pamahalaan -- lalo na kung isasaalang-alang na halos 200,000 ang puwersa nito. Ang mga tiwaling elemento ng naturang ahensiya ang nagbibigay ng hindi kanais-nais na imahe sa pulisya.
Hindi malayo na hanggang ngayon, naririyan pa rin ang mangilan-ngilang ‘ninja cops’ na laging nakikipagsabwatan sa mga users, pushers at druglords. Tila hindi maubos-ubos ang shabu na nakukumpiska ng nasabing mga pulis na ipinagbibili naman nila sa mga sugapa sa droga.
Maaaring naririyan pa rin ang ilang alagad ng batas na pasimuno sa pagnanakaw, pagkidnap at pagpatay at sa paghahasik ng mga karahasan. Hindi ba may pagkakataon na ang ilang elemento ng pulisya ay nasangkot sa pagpaslang sa mga sundalo? Isa itong insidente na hindi sana dapat mangyari, lalo na kung iisipin na magkatulad ang kanilang tungkulin sa paggalang sa karapatang pantao at sa pangangalaga sa buhay at ari-arian ng taumbayan.
Nakaatang din sa mga balikat ni Gen. Cascolan ang pagpapabuti ng relasyon ng mga pulis at kawal -- kung paanong lalong mapaiigting ang kapatiran sa kanilang mga grupo. Ang anumang pag-iiringan ay palaging pinaiiwasan ng Pangulo sa naturang mga alagad ng batas na kapuwa matimbang sa kanya. Hindi ba malimit niyang bigkasin: Ang aking mga pulis; ang mga sundalo ko? Ito marahil ang dahilan kung bakit inuna niyang doblehin ang kanilang suweldo.
Sa kabila ng pagsulpot ng mga ‘bad eggs’ sa nabanggit na mga hanay ng pulis at sundalo, matindi ang aking paniwala na hiigit na nakararami sa kanila ang tunay na maipagkakapuri sa lahat ng pagkakataon. Sila ang magiging kaagapay ng bagong PNP leadership sa pagpapatingkad ng simulain ng PNP: To Serve and Protect.
-Celo Lagmay