SA mga nakalipas na buwan mula nang magbalik sa kanyang dating posisyon si presidential mouthpiece Herminio Roque, panay ang pangungumbinsi nito sa mga mamamayan, sa pangangatwiran sa bawat kapalpakan ng pamahalaan gamit ang mga argumentong tila makapagpapakawala sa katinuan ng tao.
Kamakailan, nang matanong hinggil sa pagtitipon ng 300 tao sa Clark Freeport, si Roque, sa kanyang nakasanayang aroganteng asal, ay tila nagpahayag ng suporta sa grupong nagsusulong ng revgov, sa pangangatwiran niyang ito, aniya, ay usapin ng malayang pagpapahayag. Bilang isang abugado, dapat higit niyang alam ang basikong aspekto ng batas. At tila pagsang-ayon sa tindig ni Roque, hindi man lamang natinag sa isyu ang justice department. Tanging ilang senador at framer ng 1987 Constitution, Christian Monson, ang nagpahayag ng pakabahala.
Siyempre, ang pangangatwirang ito ni Roque ay maitutulad sa kanyang una nang pahayag na ang paggamit ng ‘Manila Province, Peoples Republic of China’ sa ilang produktong ibinebenta sa Binondo ay ‘Nonsense!’ Ngunit nakita ba niya ang galit na reaksyon ni Manila mayor Isko Moreno sa pang-aabusong ito?
Sa ilalim ng RA 3815, ang Revised Penal Code, may limang salik na nagtatakda sa paggawa ng krimeng sedisyon ng mga indibiduwal na ‘publicly and tumultuously [rise]’ upang makuha ng puwersahan, pananakot o iba pang labag sa batas na paraan, kabilang ang:
“Thwarting the implementation of a law or the holding of ‘popular election;’ preventing the government or any public officer from exercising functions, or averting the execution of any administrative order; inflicting hate or revenge upon the person or property of any public officer or employee; commission of any political or social act of hate or revenge against private persons or social class; and looting any person or the government of properties.”
Sa kabila ng malinaw na probisyong ito, nagawa pang magdahilan ng Palasyo na ang problemang dapat malampasan ngayon ay ang pandemya. Hindi ba’t ang krimeng sedisyon ay katumbas ng insurgency o paghihimagsik na ang intensyon ay ibagsak ang pamahalaan o lantarang labagin ang Konstitusyon? Siyempre, ang hakbang na paghihikayat na balewalain ang batas ay katulad ng pangangamkam ng mga Chinese sa mga teritoryo na pag-aari ng bansa, legally at historically.
Ang mga nasa sensitibong posisyon ay dapat na maging maingat sa pagtingin sa mga isyu na nakaaapekto sa katatagan at integridad ng bansa. Kung mabilis sila sa pagtugon sa ibang negatibong balita, bakit niyayakap ng tagapagsalita ng Palasyo ang ugali na tila ba isa siyang nilalang mula Venus? Ang pagpapakulong sa mga tao dahil sa sedisyon ay hindi dapat pagtakpan; lalo’t hindi naman ito isang politikal na gawain paano man ito tingnan.
-Johnny Dayang