SANGKOT ang Pilipinas sa ilang pinag-aagawang teritoryo na nasa palibot ng South China Sea (SCS). Sentro ng mga sigalot ang sa China na umaangkin sa buong teritoryong sakop ng isang nine-dash line na pumapalibot pababa sa China, sa palibot ng South China Sea, kasama ang kanlurang baybayin ng Pilipinas, at ang hilagangsilangang kabilang ang Taiwan.
May isa pa tayong sigalot sa isa pang bansa, ang Malaysia, hinggil sa isang teritoryo sa South China Sea, sa malaking isla ng Borneo timog ng Palawan. Sa dulong hilagang bahagi ng isla ng Borneo ang Sabah, na bahagi ng Sultanato ng Sulu.
Ang Sultanato ng Sulu ay nagsimula pa noong 1405 nang itatag ito ni Sultan Sharif ul-Hashim na naninirahan sa Buansa, Sulu. Sa katanyagan nito, pinamunuan ng sultanato ang mga isla na nakapalibot sa kanlurang peninsula ng Mindanao sa silangan sa Palawan, hanggang sa pababa sa hilagangsilangan bahagi ng Borneo.
Noong 1878, inupahan o isinuko ng Sultanato—depende sa salin ng kasunduan mula sa orihinal na Malay na nakasulat sa Jawi script – ang Sabah sa British Syndicate nina Alfred Dent at Baron Von Overbeck, para sa taunang pagbabayad na 5,000 Malaysian dollars.
Noong 1885, napasailalim ang Sultanato ng Sulu sa kontril ng Espanya sa ilalim ng kasunduan na nilagdaan ng Great Britain, Germany, at Spain. Kapalit nito, ang Pilipinas ay isinuko ng Espanya sa US noong 1898 at naging malaya noong 1946. Noong 1962, sa ilalim ni Pangulong Diosdado Macapagal, opisyal na kinilala ng pamahalaan ng Pilipinas ang Sultanato ng Sulu.
Sa kabilang bahagi ng South China Sea, 11 estado sa Malayan peninsula ang bumuo ng British crown colony na kilala bilang Malaya Union, na pinalitan noong 1948 ng Federation of Malaya. Noong 1957, naging malaya ang federatin mula sa pamumuno ng Britain at noong 1965, sumama ito sa Sarawak at North Borneo –kung saan kabilang ang Sabah.
Dito nag-uugat ang legal na pag-angkin ng Pilipnas sa Sabah. Iginiggit nitong bahagi pa rin ang Sabah ng Sultanato ng Sulu, na kinikilala ng Pilipinas. Nakabase naman ang pag-aangkin ng Malaysia sa kasunduan noong 1878, kung saan iginigiit na isinuko—hindi pinaupahan—ang Sabah British Syndicate, kayat bahagi ito ngayon ng Malaysia.
Iginigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa Sabah ngunit ang Malaysia, sa isang lihan na berbal sa United Nations noong Agosto 27, ay nagsabing, ”Modern international law does not recognize the survival of a right to sovereignty based solely on historic title.”
Isa itong dagdag na ikot ng pilipit na sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia, mahigpit na magkaalyado sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Umaasa tayong hahantong ang dalawang bansa sa kasunduan—higit sa anumang legal na debate—hinggil sa Sabah, habang umaasa rin tayo na magkakaroon ng katulad na kasunduan sa isa pang isyu sa sigalot sa South China Sea sa China at sa ilan pang bansa.