Pinayuhan ng isang senador ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na sumunod na lamang sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magmulta ng P19 milyon upang hindi sila mapilitang i-revoke ang kanilang prangkisa.

Ikinatwiran kahapon ni Senator Sherwin Gatchalian, makatwiran ang nasabing kautusan ng ERC laban sa Meralco dahil naniniwala ito na lumabag ang nasabing distribution utility sa hindi pagbibigay ng advisory sa kanilang mga customer noong naka-lockdown ang bansa kaugnay ng coronavirus disease 2019 pandemic.

Sa kautusan ng ERC na may petsang Agosto 20, pinatawan nito ng P19 milyong multa ang Meralco dahil sa pagkabigong ipaliwanag kung paano na-compute ang electricity bills ng kanilang mga customers, bukod pa sa pagkabigong pagpapatupad ng installment payment arrangement para sa kanilang consumers na nagresulta sa pagkakapatung-patong ng kanilang bayarin.

“Ang payo ko sa kanila ay huwag na nilang ilaban, kasi para sa akin ito ay isang risonableng pagmumulta sa kanila. Kapag lumaban sila i-aadvise natin sa ERC na taasan nila at maghanap pa ng ibang paraan para ma-penalize sila,” paniniyak ni Gatchalian na chairman ng Senate energy committee.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Matatandaang kabilang lamang ang nasabing senador na naunang nagreklamo dahil sa biglaang paglaki ng kanilang bill sa kuryente.

Bukod sa Meralco, binalaan din nito ang iba pang public utilities na pagbutihin nila ang kanilang serbisyo, lalo na sa panahin ng pandemiya, dahil anumang oras ay maaaring ibasura ng Kongreso ang kani-kanilang prangkisa

Inihalimbawa nito ang naging sitwasyon ng ABS-CBN Corp. na nabigong makakuha ng panibagong prangkisa dahil sa “mga naging kasalanan nito”.

“In fact, pabor ako na meron periodic review ang franchise. Hindi porke’t binigay tapos na dahil meron tayong mga distribution utilities (DU) na hindi sumusunod sa direktiba ng regulator.

Dapat umayos sila dahil nasa pandemya tayo at mga konsumers natin tulirong-tuliro ngayon kaya tulungan na lang n gating distribution companies na paintindihin sa ating mga kababayan at dapat patas sila dahil nga ito ay may direktiba na,” pagdidiin pa ng senador.

-HANNAH L. TORREGOZA