INILABAS nitong Miyerkules ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) ang isang pag-aaral kung saan tinatayang 463 milyong bata sa mundo ngayon ang kulang sa kagamitan o electronic access upang maituloy ang distance learning ngayong taon.
Sa pagtataya ng UN nasa 1.5 bilyong bata sa buong mundo ang apektado ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID-19 pandemic at ngayo’y nahaharap sa mga panibagong problema kaugnay ng pagbubukas ng school year kung saan plano na ipatupad ang distance education na papalit sa face-to-face classes sa mga paaralan.
Base sa datos na nakalap mula sa 100 bansa na sumusukat sa access ng publiko sa Internet, telebisyon at sa radyo, sinabi ng UNICEF na maaaring malagay sa alanganin ang edukasyon ng milyon-milyong mga bata, karamihan ay mula sa Africa at Asya.
Nasa 67 milyong mag-aaral sa Eastern at Southern Africa ang walang access sa Internet, ayon sa ulat ng UNICEF, kasama ang 56 milyon sa Western at Central Africa, 80 million sa Pacific at East Asia, 37 million sa Middle East at North Africa, 147 million sa South Asia, at 13 million sa Latin America at Caribbean. Wala namang naitala sa United States at Canada kung saan hindi problema ang Internet, telebisyon at radyo.
Maraming mga Pilipinong estudyante ang kabilang sa 80 million sa Pacific at East Asia na nahaharap ngayon sa problema ng darating na pasukan. Lalo’t milyon-milyong kabahayan sa bansa ngayon ang walang Internet connection, lalo na sa mga rural areas. Walang laptops, walang Ipads. Sa Maynila, naglaan ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno ng P1 billion budget upang makabili ng 11,000 laptops na may WIFI devices para sa mga guro at 136,950 tablets para sa mga mag-aaral. Nag-acquire din ito ng 286,000 SIM cards na ipamamahagi sa mga guro at estudyante. Ito ang kabisera ng bansa na naghahanda para sa darating na distance learning system sa mga paaralan ng Pilipinas ngayong taon. Paano ang libu-libong iba pang bayan at siyudad sa bansa?
Bukod sa kailangang mga kagamitan at sapat na Internet connection, may iba pang problema ang distance education. Maaaring wala ring technical support kapag nagkaroon na ng problema sa mga computer, ayon sa ulat ng UN. Dahil sa pandemic, nausod ang nakasanayang pagbubukas ng klase tuwing Hunyo sa Pilipinas sa Agosto 24 at muling nausod sa Oktubre 5. Nagsagawa na ang Department of Education ng dry run para sa blended learning system sa 500 paaralan—pinaghalong Internet-based sessions, television at radio programs, at printed modules, at inanunsiyo ang kahandaan para sa pagbubukas.
Gayunman, ang mas malalim na pangamba, ay nananatili hinggil sa kahandaan ng karamihan sa mga paaralan sa bansa gayundin ang kanilang mga mag-aaral para sa bagong sistema, lalo na ang mga nasa probinsiya. Ang buong mundo, sa katunayan, ay nangangamba, tulad sa ipinakita na ulat ng UNICEF. Kailangan nating maging handa na gumawa ng ibang hakbang, kabilang ang muling pagpapaliban ng pagbubukas ng klase, sa harap ng malalaking problemang ating kinahaharap.