HANOI – Tinalakay ngayong linggo ng mga economic ministers ng sampung miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagtugon at pagbangon mula sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic at sa epekto nito.
Ginanap kamakailan ang online ang 52nd Asean Economic Ministers’ Meeting, kung saan nagpalitan ng pananaw at ideya ang mga dumalo hinggil sa epekto sa ekonomiya ng kasalukuyang COVID-19 pandemic, kasama ng pagtalakay at pagbibigay ng update hinggil sa sitwasyon ng pandemic, sa rehiyon, ayon sa ulat ng Vietnam News Agency.
Pinag-usapan ng mga opisyal ang tugon ng rehiyon sa epidemya, kabilang ang kakayahang bumuo at maglatag ng isang komprehensibong plano sa pagbangon, sa pulong na pinamunuan ni Vietnamese Minister of Industry and Trade Tran Tuan Anh.
Ipinaliwanag ni Anh, na sa kabila ng epidemya, may ilang prayoridad na isyu ang kailangang tugunan ng ASEAN, kabilang ang pagkaantala sa supply chains gayundin ang galaw ng “goods, products, individuals and human resources.
Nanawagan din siya ng hakbang mula sa mga bansa sa ASEAN upang mapaangat ang resilience ng ekonomiya at kakayahang tumugon sa mga bagong sitwasyon.
Sa pagpupulong, tinalakay rin ng mga health ministers ang “negotiation orientations” tungo sa hangaring matapos ang negosasyon at malagdaan ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) bago magtapos ang 2020.
Ayon kay Ahn, aktibong nakikipag-ugnayan ang Vietnam sa mga bansa ng ASEAN at katuwang na mga bansa upang maisulong ang pagtalakay sa mga problemang kailangang tugunan sa RCEP negotiation.
“[The goal that Vietnam aims towards is to] continue the efforts to promote the signing process of RCEP in 2020 in Hanoi, [and to seek for and further enhance the opportunities to connect with potential partners in trade-economy],” aniya.
Binalikan din ng mga opisyal ang implementasyon ng economic initiatives ng ASEAN para sa 2020 at inaprubahan ang mga dokumento kabilang ang ASEAN digital integration index sa pagpupulong. Habang tinalakay din ang economical na ugnayan ng ASEAN sa mga katuwang nitong bansa ang China, Japan at South Korea.
Itinatag noong 1967, binubuo ang ASEAN ng mga bansang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
PNA