SA kabila ng banta ng dambuhalang China, magpapatuloy ang pagpapatrulya ng Pilipinas sa Spratly Islands sa West Philippine Sea. Sinabihan ng China na itinuturing ni Pres. Rodrigo Roa Duterte bilang “kaibigan” ang Pilipinas. na itigil ang umano’y “illegal provocative activities” sa WPS.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na natalo na ang Beijing noong Hulyo 2016 sa iginawad na hatol ng Arbitration Tribunal sa Hague, na nagbabalewala sa tinatawag “na nine-dash line claim “ sa halos kabuuan ng South China Sea, na ang bahagi nito ay ang West Philippine Sea.
Bukod kay Locsin na sumasagupa sa mga pahayag ng China ni Xi Jinping, nagpahayag din si Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang pag-angkin ng China sa WPS ay nasa kanilang imahinasyon o guniguni lamang. Wala sa katotohanan. Panaginip lang.
Aba, kahit papaano pala ay may dalawang cabinet member si Mano Digong na may “balls” at hindi inutil. “We’re gonna continue our patrol because it’s ours. That’s all there is to it,” badya ni Locsin sa panayam ng ANC’s “Headstart” noong Miyerkules nang umaga.
Maaari raw na patuloy na tawagin ng kaibigang bansa ng Pangulo ang mga aksiyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea bilang “illegal provocation”, at ito ay karapatan nila. “Ito ay isang malayang mundo” saad ni Locsin. Hindi raw puwedeng pagbawalan ng PH kung ano man ang sasabihin nila. At tayo man ay hindi nila dapat pagbawalan sa pagsasalita.
Inakusahan ng nasyon ni Pres. Xi ang ‘Pinas sa paglabag sa soberanya at seguridad ng China sa pamamagitan ng pagpapadala ng PH military aircraft sa himpapawid na malapit sa Spratly Islands, na kung saan naglagay ang China ng military outposts.
Medyo nagalit ang kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo nang malaman ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Zhao Lijian. Lumigwak tuloy ang kape sa tasa nang imuwestra niya na ang mga eroplano ng PH ay nagpapatrulya sa teritoryo na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sapagkat atin ito. Naligwakan nang bahagya si Senior jogger.
Isipin na lang na kamakailan ay napaulat na kinumpiska ng Chinese Coast Guard ang mga huling isda at kagamitan ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) na 250 kilometro lang ang layo sa Masinloc, Zambales ngunit halos 900 kilotmentro ang layo mula sa pinakamalapit na isla ng China, ang Hainan.
Panahon na sigurong magpakita ng “bayag” ang Pilipinas. Hindi laging ang namamayani ay ang “bayag” ng China. Ipakilala natin na marunong tayong lumaban lalo na kung tayo ay nasa katwiran at pag-aari natin ang kanilang kinakamkam.
Hindi duwag ang mga Pilipino. May dangal at tapang tayo. Lumaban na tayo noon sa Espanya, sumagupa tayo sa Amerika at sa Hapon. Bakit kung kailan tayo nakalaya sa tanikala ng mga dayuhan at manlulupig, ay muli tayong pasusupil sa makabagong manlulupig komo mahina raw ang ating PNP at AFP.?
Bakit ang Vietnam at Indonesia na mahina rin ang puwersa kumpara sa dambuhala eh nagpoprotesta at lumalaban? Hindi naman sila ginigiyera ng mga sundalo ni Pres. Xi taliwas sa pangamba ni PRRD.
-Bert de Guzman