Sa larawan mula sa Malacañang press-office, makikita si Pangulong Duterte na nagsasalita sa convention ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Execution Coordinating Committee noong Marso 21, 2018.
Ito iyong biglaang sumulpot ngayon na nagsusulong ng People’s Coalition for Revolutionary Government na nagpulong nitong nakaraang Sabado sa Clark Freeport. Grupo ito ng mga supporters ng Pangulo na nagnanais na bigyan ito ng kapangyarihan na magbabasura sa 1987 Constitution at lumikha ng gobyernong gugustuhin nila. Sa kanyang televised speech noong Martes ng umaga, itinatuwa ng Pangulo ang grupo at sinabi niyang wala siyang kakilala sa mga ito at sinabi niyang wala siyang kakilala sa mga ito at hindi niya gawain ito. “Bagamat walang kinalaman ang Pangulo sa revolutionary government na ipinapanawagan ng grupo,” wika ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III, “kilala naman niya ang mga ito.” Ang namumuno nito, aniya, ay si dating TESDAChief Gene Mamondiong at ang ibang mga kasapi nito ay mga miyembro ng Gabinete.
Samantala, kinumpirma ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na isa siya sa mga maraming opisyal ng gobyerno na inimbitahang dumalo sa pulong na ginanap sa Clark Freeport. Ayon kay Gen. Gamboa, inilabas ng grupo sa media ang nasabing imbitasyon na parang pinalalabas nila na sangkot sila dito, o kaya kinukonsinte nila ito. “Ang pamumulitikang ganito ay wala sa panahon lalo na ngayong nakikipaglaban tayo sa COVID-19 pandemic. Kaya, pinaiimbestigahan ko sa CIDG ang mga taong na sa likod nito at alamin kung may batayan ang pagsampa ng kasong criminal laban sa kanila,” wika pa ni Gen. Gamboa sa kanyang inilabas na pahayag.
Ayon naman kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang panawagan ng grupo hinggil sa revolutionary government ay hindi makakuha ng suporta sa defense establishment. Sa mensahe niya sa mga mamamahayag, sinabi niya: “Mayroon tayong itinatag na legal na gobyerno. Ang Pangulo ay halal na pangulo at tinatamasa niya ang suporta ng taumbayan. Bakit kailangan pang may revolutionary government?” Totoo, inihalal ng bayan si Pangulong Duterte at maaaring totoo na wala siyang kinalaman sa panawagan na lumikha ng revolutionary government. Ang problema,, kahinahinala ang biglang pagsulpot ng grupo ngayon pagkatapos magpakilala ito sa publiko noong 2018. Maaalerto tayo lalo na nais nilang ibasura ang Saligang Batas na sa ilalim nito ay nahalal si Pangulong Duterte, Bise-Presidente Leni Robredo at iba pang opisyal. Ang pagsulpot ng grupong ito sa panahong bihira nang makipagkita ang Pangulo sa mamamayan at sa pagamin niya kamakailan na hindi maganda ang kalagayan ng kanyang kalusugan ay kahinahinala. “Ang ideya ng revolutionary government ay isa sa mga mapanlinlang na paraan sa arsenal ng mga balak ng kampo ng maka-Duterte para mapanatili nila ang kanilang mga sarili sa kapangyarihan,” wika ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate. Tama si Zarate. Ang layunin ng grupo sa pagbabasura ng Saligang Batas ay labagin ang kapangyarihan ng mamamayan na iginawad nila kay Robredo, hindi lamang bilang Bise-Presidente kundi bilang papalit na Pangulo kung sakali mang wala nang kakayahan si Pangulong Duterte na mamahala ng gobyerno
-Ric Valmonte