NITONG nakaraang Sabado, nagpulong sa Clark Freeport ang grupo ng mga maka-Duterte na nagsusulong ng revolutionary government at pagbabago ng Saligang Batas. Pinangalanan nila ang kanilang grupo na People’s Coalition for Revolutionary Government na binubuo ni Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinationg Committee, volunteer group ng kanyang mga supporters na magtataguyod ng kanilang layunin. Sa prinisinta nilang resolusyon, isinusulong nila ng pagtatag ng revolutionary government, at ng Pederalismo bilang bagong porma ng gobyerno. Itinatwa ni Pangulong Duterte ang grupo. “May mga nagpapalutang ng revolutionary government. . . Wala akong kilala sa mga ito. At hindi ito ang aking gawain,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang televised speech nitong Martes ng umaga. Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, seryosong iimbestigahan ng kanyang departamento ang anumang reklamong reklamong criminal na isasampa laban sa mga tagasuporta ng Pangulo na nananawagan ng revolutionary government.
Kung walang kinalaman ang Pangulo sa kilusang ito na gustong matatag ng revolutionary government, bakit napakalakas ang loob ng mga nagtataguyod nito? Kasi, bago pa lang si Pangulong Duterte sa panunungkulan ay hayagan na niyang sinabi na kailangan gawing pederalismo ang uri ng ating gobyerno. Lumikha pa siya ng komite na nag-aral kung paano paiiralin ito sa babaguhing Saligang Batas. Sa loob ng anim na buwan na itinakda ng Pangulo, tinapos ng komite ang kanyang tungkulin at isinumite nito sa kanya ang kopya ng nabuo nilang plano. Pero, wala nang masidhing ginawa ang Pangulo para ipagpatuloy ang kanyang binabalak. Pero, noong 2018, nagsalita siya sa convention ng isa sa mga grupo ng koalisyon. Malakas ang loob ng mga nasa likod ng People’s Coalition for Revolutionary Government dahil baka ang akala nila ay si Pangulong Duterte noon ay si Pangulong Duterte ngayon. Iyong lakas niya noon sa taumbayan ay hindi na niya taglay ngayon. Inaabandona niya ang nais niyang mangyari noong kanyang kalakasan. Sabi nga niya sa kanyang televised speech, uubusin niya na lang, aniya, ang nalalabi sa kanyang termino para managot at maipakulong ang mga taong gumawa ng katiwalian sa PhilHealth.
Nangako si Justice Secretary Guevarra na gagawa siya ng seryosong imbestigasyon kung sakali mang may magsampa ng reklamo laban sa mga supporter ni Pangulong Duterte na nagsusulong ng revolutionary government. Bakit hihintayin pa niyang mayroong kasong maisampa? Pwede naman siyang gumawa, sa kanyang sariling kapangyarihan, ng imbestigasyon upang alamin kung sino ang mga nasa likod nito. Katunayan, itinututok na nila ang revolutionary government dahil nangangamba sila sa kalagayan ng kalusugan ng Pangulo. Nais nilang may papalit na hindi naaayon sa Saligang Batas. Ang gusto ng grupo ay igupo ang gobyerno ng Pilipino kung saan iba, na walang kapangyarihan sa taumbayan, ang mangasiwa ng gobyerno. Kaya, ang People’s Coalition for Revolutionary Government ay krimen laban sa mamamayang Pilipino. Alamin ng DOJ kung sino ang nais mamuno ng bansa na walang basbas ang taumbayan.
-Ric Valmonte