ANG bilis talaga ng daloy ng panahon. Mantakin n’yo naman, naka-aanim na buwan na pala tayong bumubuno sa iba’t ibang klase ng “community quarantine” na ang magkakaparehong nararamdaman ay ang pagkainip sa pagkakakulong sa loob ng ating bahay, at siyempre yung pag-aalala kung magkakasya pa na pantawid-gutom ‘yung kakarampot na naisubing pera o tulong na natanggap mula sa pamahalaan, kaibigan at kamag-anak.
Habang ang karamihan sa atin ay panay ang dasal na sana’y matapos na ang pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) may iba naman tayong kababayan – ilang nakaupong opisyal sa pamahalaan -- na pakuya-kuyakoy lang sa kanilang air-conditioned room, dahil sa bilyones na nakurakot sa kaban ng bayan, na nadaragdagan pa habang tumatagal ang pandemya.
Kahit pa nga nagkakabukuhan na, tiwala pa rin sa sarili ang ilan sa mga opisyal na ito na makalulusot sila sa kaso, dahil alam nilang paikutin ang mga nag-iimbestiga sa kanila, gamit ang maliit lamang na bahagi ng kanilang ninakaw sa kaban ng bayan! Ganyan lang nga, be POSITIVE…magka COVID-19 nawa kayo!
Pero sa lahat ng perwisyong ito na ating dinaranas, sa aking palagay ay tuwang-tuwa naman si Inang Kalikasan dahil sa medyo matagal-tagal din ang pahingang tinatamasa nito, mula sa halos araw-araw na pagsira ng tao sa kapaligiran.
Nakikita at nadarama ko ang kasiyahan ni Inang Kalikasan, tuwing ako ay maglalakad – bilang ehersisyo ko araw-araw na bahagi rin ng pang-alis bugnot ko sa maghapong pagkakulong sa bahay – sa mga bagay sa paligid na matagal ding nawala, dala ng kapabayaan ng mga taong nagmamadali sa araw-araw na pamumuhay.
Gaya na lang ng kapansin-pansing paglago ng mga halaman sa paligid, berdeng-berde ang kulay at hitik ang iba sa mga makukulay na bulaklak at bunga, na dati-rati’y matamlay kung titingnan.
Idagdag pa rito ang palipat-lipat at paikut-ikot na kulisap na gaya ng paruparo, tutubi at alitaptap na nungkang makita mo noong halos lumabo na ang kapaligiran, sa kapal ng polusyong dala ng nakasusulasok na usok mula sa tambutso ng mga paroo’t paritong sasakyan.
Sa harapan at likuran ng mga bahay sa iba’t ibang lugar, lalo na sa mga subdibisyon, nagsulputan ang mga halaman – mga ornamental o di kaya’y pang-ulam na gulay – na itinanim at inaalagaan ng mga kababayan nating ‘di makalabas ng bahay dahil sa umiiral na community quarantine.
Sa mga subdibisyong makapal ang damo sa ilang bakanteng lote rito, nakatutuwang pagmasdan ang mga malalaking palaka na mistulang nakikipagpatintero sa mga humahagibis na saksakyan sa kalsada, lalo na kapag katatapos pa lang bumuhos ang malakas na ulan. ‘Yun lang, ‘wag naman sanang mahagip ng gulong dahil siguradong maaawa ka sa mga pobreng nilalang na ito, na bihirang mabiyayaan na makalabas mula sa kanilang natigang na mga lungga.
Mga insektong gaya ng gagambang puno, malalaking hantik na ‘di naman nangangagat, Japanese snail, bubuli, at mga ibon na naggagandahang ang balahibo at buntot – mga nilalang na matagal na nating ‘di nakikita na ngayo’y biglang nagsulputan sa ating kapaligiran!
Kadalasan sa dapithapon, ‘yung tiyempong papalubog ang araw at nakaharap ang minamaneho kong kotse sa dakong kanluran, nakatutuwang pagmasdan sa kalangitan ang malinaw na guhit ng mga bundok na dati-rati’y nungkang makita mo sa gitna ng mga lansangan sa Metro Manila, dahil sa kapal ng polusyon na bumabalot sa buong paligid.
At ang para sa akin ay ang pinakamahalagang dulot ng pandemiya sa isang pamilya – ang matagal nang nawala sa ating tradisyon – ang “family bonding” na may anim na buwan na nating tinatamasa sa ngayon!
Tandaan sana, palakasin ang ating IMMUNE SYSTEM. Palaging STAY SAFE ang bawat isa – sundin ang tamang panuntunan sa panahong ito ng “New Normal” sa ating lipunan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.