SA gitna ng maraming problemang kinakaharap ngayon ng bansa na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic—ang nagpapatuloy na pagkalat ng impeksyon at pagkamatay, ang lumalalim nitong epekto sa ekonomiya, at ang tama nito sa personal na buhay ng mga Pilipino—kailangan nating harapin ang iba pang mga suliranin at isyu na nakaaapekto sa ating bansa.
Ang kaso sa Korte Suprema sa Anti-Terrorism Act (ATA) ay isang isyu na napakahalaga na hindi bababa sa 29 na petisyon na ang inihain laban dito sa Korte Suprema hanggang nitong Miyerkules.
Ang bagong batas, na Republic Act 114679, ay nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hulyo 18. Pinalitan nito ang Human Security Act of 2007 na tumatarget sa mga kaso ng pagsasabwatan upang gumawa ng terorismo.
Isa sa mga petisyon laban sa bagong batas ang nagsasabi na ang bagong batas ay nagpapalawak sa depinisyon ng “terrorism” upang maisama ang mga aksiyong “as creating an atmosphere and spreading a message of fear” at “provoking or influencing by intimidation the government or any of its international organizations.” Sa ilalim ng bagong batas, ang isang hinihinalang terorista ay maaaring makulong ng hanggang 14 araw nang walang kaso, panahon na maaari pang pahabain hanggang 24 araw.
Sinabi ng National Union of Lawyers na masyadong malawak ang bagong batas. “It chills freedom of expression. It chills free speech. It chills freedom of the press. It chills freedom of association,” pahayag ni human rights lawyer Neri Colmenares.
Sa palitan ng argumento, sinabi ni national security adviser Hermogenes Esperon na kailangan ng bansa ang malakas na batas upang labanan ang terorismo tulad ng mga militanteng tinukoy na kasapi ng Islamic State at ang dekadang Communist insurgency.
Sinabi ni dating Solicitor General Estelito Mendoza na dalawa sa 29 na petisyon—isang inihain nina dating Supreme Court Justice Antonio Carpio at dating Associate Ombudsman Conchita Carpio at isa pa na inihain naman ng faculty members ng University of the Philippines College of Law—ay “a microcosm of the numerous petitions assailing the constitutionality of the law and its various provisions.”
Iginigiit ng dalawang petisyon na ilang probisyon sa bagong batas “violate the Constitutional guarantees of due process and the right to association… due process, free speech, and grants law enforcers unbridled discretion to define criminal conduct.”
Ang kasong ito sa karapatan ay nakapaloob sa Section 4 ng Article III, Bill of Rights, ng Konstitusyon na nagsasaad na:”No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”
Lahat ng sinasabing malawak na depinisyon ng terorismo, labis na kapangyarihang ibinibigay sa pamahalaan, ang pangangailangan na mahinto ang lumalagong banta ng terorismo rito at sa mundo ay mahalaga upang makuha ang suporta ng publiko para sa bagong batas. Ngunit sa kaso na nasa Korte Suprema, ang isyung ito ay nakapaloob sa ubod ng isyu ng konstitusyonalidad, kung saan ang Korte Suprema ang humahatol.