LIKAS nang maituturing sa mga dakilang tao, na kahit matagal nang namatay, ang mga yapak ay nanatiling nakatatak sa alaala ng kanilang bansa. Tulad ito sa kaso ni Manuel L. Quezon na ipinagdiwang natin nitong nakaraang linggo ang ika-142 kaarawan. Sa katunayan, itinakda ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika, isang pagdiriwang para kay Quezon na siya ring itinuturing bilang “Ama ng Wikang Pambansa.” Bukod pa ito sa maraming lansangan, monumento, isang siyudad at probinsiya na ipinangalan sa kanya.
Matayog na Pilipinong politiko at lider si Quezon, na ang pagkamabayan at galing sa politika ay nakatulong nang malaki sa mga mahahalagang tagpo sa kasaysayan ng ating bansa. Isa siyng dominanteng puwersa sa politika ng Pilipinas mula noong 1907 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1944, at isa siya sa mga nangungunang nagsulong ng kasarinlan ng Pilipinas.
Maihahalintulad sa mapa tungo sa serbisyong publiko ang kanyang buhay. Sumali siya sa puwersa ng mga rebolusyonaryo sa ilalim ng pamumuno ni General Emilio Aguinaldo, nag-aral ng abogasya at nakapasa sa bar noong 1903. Sinundan ito ng pag-upo niya sa ilang lokal na posisyon sa politika bilang piskal ng Mindoro, Konsehal, Gobernador hanggang sa maging unang Assemblyman ng probinsiya ng Tayabas, ang kanyang bayan na kalaunan ay isinunod ang pangalan sa kanya.
Naging kinatawan din si Quezon ng bansa sa U.S. Congress mula 1909-1916 bilang Resident Commissioner of the Philippines na nakatutok sa pagsusulong ng kasarinlan ng bansa. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, siya ang naging Unang Pangulo ng Senado noong 1916. Noong 1935 inihalal siya bilang Unang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas, posisyong inokupa niya maging sa pananakop ng mga Hapon at hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1944.
Isa sa napakahalagang tagumpay ni Quezon sa politika na nananatili hanggang sa kasalukuyan ay ang pagkatatag ng Nacionalista Party noong 1907 sa ilalim ng platapormang “absolute, complete, and immediate independence” mula sa Estados Unidos. Sa katunayan, ang Nacionalista Party ay resulta ng pagsasanib ng Partido Union Nacionalista at Partido Independista Imediatista. Bukod kay Quezon, tampok sa pagsasanib ang listahan ng mga prominenteng Pilipinong politiko: Sergio Osmeña, Fernando Ma. Guerrero, Macario Adriatico, Justo Lukban, Pablo Ocampo, Leon Ma. Guerrero, Felipe Agoncillo, Rafael Palma, at Galicano Apacible.
Dinomina ng Nacionalista Party ang politika ng Pilipinas mula nang maitatag ito hanggang noong 1940s. Noong 1922, naging pinuno ng NP si Quezon at noong 1935 nagwagi siya sa unang pambansang presidensyal na halalan ng Pilipinas sa ilalim ng bandera ng Nacionalista Party at tinalo sina Emilio Aguinaldo, Gregorio Aglipay, at Pascual Racuyal. Sa kasalukuyan, ang Nacionalista Party ang pinakamatandang partido politikal sa Pilipinas.
Ang bigat ng kasaysayang ito ang naramdaman ko nang manungkulan ako bilang lider ng Nacionalista Party noong 2004 matapos ang pagpanaw ng isa pang makabayang Pilipino na si Salvador “Doy” Laurel, Jr. Madalas kong makausap si Doy hinggil sa pagsali ko sa NP at kalaunan, ang maging lider nito. Isang beses habang nasa bakasyon ang aming pamilya sa US, nagdesisyon akong bisitahin siya sa San Francisco kung saan siya sumasailalim ng treatment. Napag-usapan namin ang hinaharap ng bansa at ang kanyang bisyon para sa NP. Nabanggit niya na nais niyang makitang makabangon muli ang Nacionalista Party upang makatulong sa bansa na maglayag sa maraming pagsubok nitong kinahaharap.
Enero 2004 nang pumanaw si Doy Laurel. Namatay si Quezon habang nakapiit sa US noong Agosto 1944. Marami sa nagtatag ng NP at miyembro nito ang dumating at nawala na, ngunit nananatili ang Nacionalista Party bilang pundasyon ng katatagan sa politika ng Pilipinas. Ang ideya at bisyon ng magigiting na kalalakihan at kababaihan ay nananatili sa amin kahit pa matagal na silang nawala.
Noong 1939, naglabas si Pangulong Quezon ng Executive Order No. 217 na nagsasaad ng Filipino Code of Ethics na binubuo ng labing-anim na simulain. Isa sa mga prinsipyo doon ang maaaring makatulong bilang tema na gabay katatagan ng NP—Rely on your own efforts for your progress and happiness. Be not easily discouraged. Persevere in the pursuit of your legitimate ambitions (underscoring mine).”
-Manny Villar