UMAASA ang World Health Organization (WHO) na mapapawing ganap ang mapaminsalang coronavirus 2019 (COVID-19) at hindi aabutin ng dalawang taon, tulad sa Spanish Flu na nangyari noong Pebrero 1918 hanggang Abril 1920.
Sa ngayon, halos 800,000 na ang namatay dahil sa sakit na ito at malapit na sa 23 milyong tao ang infected sa buong mundo. Nangunguna ang US sa dami ng namatay at nagpositibo, kasunod ang Brazil at India.
Sinabi ni Tedros Adhanon Ghebreyesus, WHO Director-General na maaaring maging mabilis ang pagkapawi ng COVID-19 kumpara sa itinagal ng Spanish Flu na kumitil ng 50 milyong buhay at naka-infect ng 500 milyong nilalang sa buong daigdig. Naganap ito sa pagitan ng Pebrero 1918 at Abril 1920.
Ayon kay Tedros, mabilis ang pagkalat ng coronavirus ngayon kumpara noong 1918 dahil sa “globalization, closeness, connectedness” sanhi ng modernong teknolohiya. Gayunman, ang modern technology ring ito ang tutulong upang masupil ang parang kidlat na pagkalat ng pandemya.
Sa pamamagitan daw ng paggamit ng mga makabagong kasangkapan at instrumento, tulad ng bakuna, magiging mabilis ang paghupa ng salot kung ihahambing sa Spanish Flu na tumagal ng dalawang taon.
Noong 1918, limang beses na marami ang bilang ng mga namatay kung ihahambing sa mga namatay noong World War I. Baka mas marami pa rin ang namatay kaysa pinatay ng Nazi leader na si Adolf Hitler at ng mga alyado niya mula sa Italy at Japan noong World War II.
Ang unang mga biktima noon ay nairekord sa United States bago ito lumaganap at nanghawa sa Yuropa (Europe) at sa iba pang parte ng mundo. Ang naturang pandemya ay naganap ng tatlong waves o bugso, na ang pinakagrabe ay ang second wave simula sa huling bahagi ng 1918.
Sinabi ni Michael Ryan, WHO emergencies chief, nagkaroon ng tatlong bugso para ma-infect ang madaling tablang indibidwal o susceptible individuals. Pagkatapos daw nito, ang flu virus ng Spanish Flu ay hindi na masyadong matindi o naging less deadly seasonal bug na lang, at bumalik lamang pagkatapos ng maraming dekada.
Malimit na ang pandemic virus ay nagiging isang seasonal pattern o pana-panahon na lang pagkalipas ng maraming taon. Gayunman, ang coronavirus 2019 ngayon ay hindi nagpapakita ng wave-like pattern, at kung ang sakit ay hindi pa maaampat, maaaring ito ay manumbalik na muli.
Sa Pilipinas na hanggang ngayon ay patuloy ang pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19, umaasa ang administrasyong Duterte na masusupil ang salot na ito kapag nagkaroon ng bakuna o gamot mula sa Russia, China. Mayroon na ring tinetesting na bakuna na gawa sa Japan. Maging ang US ay puspusan sa pagtuklas ng bakuna kontra COVID.
Anong malay natin baka ang mga eksperto at scientists na Pinoy ang makatutuklas o makaiimbento ng vaccines na susugpo sa pandemyang ito na kumitil na ng maraming buhay, puminsala sa ekonomiya ng mga bansa sa mundo.
Magagaling yata ang mga Pilipino at hindi mga tamad at inutil! Sige, sulong Filipino doctors, scientists, tumuklas din kayo ng bakuna kontra pandemya!
-Bert de Guzman