NASISIGURO ko na may ilan akong kaibigan na aktibong pulis na magagalit sa akin, lalo na sa pagsasabi na mga kasamahan nila ang dapat sisihin sa naganap na pagsabog sa Jolo, Sulu nito lamang Lunes ng umaga na ikinamatay ng anim na sundalo at ikinasugat ng 17 pa.
‘Di ko kasi mapigil na mag-one plus one sa nakikita nating lahat, na palaging mga operatibang militar na matapat na tumutupad sa kanilang tungkulin, ang nagiging biktima ng mga teroristang grupo sa islang ito, samantalang wala ni isa man lang sa mga pulis dito.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) ang unang pagsabog ay naganap sa loob ng Paradise Food shop sa Barangay Walled City, dakong 11:53 ng umaga. Ang bomba ay nakatago sa motorsiklong iniwanan ng rider nito ‘di kalayuan sa nakaparadang military truck. Patay agad ang apat na sundalo rito.
Makaraan lamang ang halos isang oras, naganap ang ikalawang pagsabog sa nasabi ring kalsada at 100 metro lamang ang layo mula sa pinangyarihan ng unang insidente.
Oh ‘di ba, militar lang ang casualties pero ni isang pulis walang nadala ang mga terorista. Sigurado ako na wala silang mga agimat kaya nakaliligtas palagi sa kapahamakan – lalo na sa lalawigang ito na paboritong takbuhan at taguan ng mga miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf -- ‘di gaya ng mga militar na laging nasasalang sa labanan.
Sa palagay ko’y ang gamit na anting-anting ng mga pulis sa islang ito ay ang kanilang nakatagong “connection” sa mga miyembro ng Abu Sayyaf -- na ang pangunahing pinagkakakitaan sa naturang lalawigan ay ang “kidnapping” na kung ituring ng mga kaibigan kong intel operative ay isang malusog na “cottage industry” sa lugar.
“Cottage industry” dahil maraming nabibiyayaan – mga kamag-anak, local officials, at mga pulis -- sa milyones na perang ipinapasok nito tuwing makakukuha ng ransom sa mga kidnap victim na karamihan ay mga negosyante at banyagang naliligaw sa lugar o mga kanugnog isla at lalawigan.
Marahil kung hindi “pinatay” ng mga pulis noong nakaraang buwan ang apat na apat na naka-paisanong sundalo ng PA na nakatalaga bilang mga operatiba ng 9th Intelligence Service Unit ng Armed Forces of the Philippines (9th ISU AFP), na ang tinatrabaho ay ang mga “identified” na eksperto sa paggawa ng bomba -- na mga miyembro ng Abu Sayyaf -- nasisiguro kong ‘di magaganap ang pinakahuling pagsabog na ito sa Jolo, Sulu.
Mantakin n’yo naman, nagpakilala na ang apat na sundalo – sina Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula — at nagpakita pa ng kanilang ID bilang mga operatiba ng 9th ISU AFP.
Palagay ko ang naging pagkakamali ng mga intel agent na ito ay nang aminin nilang may “covert intel-ops” sila laban sa grupo ng “suicide bomber” at teroristang bomb expert na si Mundi Sawadjaan.
Kailangan kasing protektahan ang “cottage industry” sa isla kaya kinakailangan na mawala ang magiging sagabal dito – kaya ayun, nagkaroon ng gawa-gawang “misencounter” na agad namang pinaniwalaan ng mga opisyal ng PNP.
Kung hindi pa marahil pumiyok at nag-ingay ang mga sundalo sa Mindanao at iba pang lugar sa bansa, marahil masasama na lang sa listahan ng mga limot na bayani ang apat na namatay na operatiba.
Ano na nga kaya ang update sa imbestigasyon at kaso ng mga pulis na involve rito?
Nakapanghihinayang – marahil kung ‘di napatay ang apat na intel operative na ito, di sasala ang sandok sa palayok na ‘di magaganap ang pagsabog na ito sa Jolo, Sulu at baka pa nga ang mga suspek dito ay naaresto na o tuluyan nang “iwinala” ng mga awtoridad.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.