DAHIL sa social distancing – isa hanggang dalawang metro –ay kinakailangan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, ipinagbabawal ngayon ang lahat ng uri ng pagtitipon – sa mga sports arena, mga opisina, kalye at parke, sa mga bus at bagon ng mga tren at istasyon. Bukod pa ito sa mahigpit na ipinatutupad na pagsusuot ng face masks kapag nasa labas ng bahay at face shield kung nasa pampublikong transportasyon.
Upang makatulong na masiguro na mapapanatili ng mga tao ang kanilang distansya sa isa’t isa, naglabas din ng panuntunan ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) na may kaugnayan sa kapasidad ng mga espasyo tulad ng mall at mga restawran.
Sa ilalim ng pinakamahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ), isinara ang lahat ng mga lugar na madalas nagtitipon ang mga tao. Niluwagan ang restriksyon sa ilalim ng Modified ECQ (MECQ) at pinayagang magbukas ang mga restawran hanggang 10 porsiyento. Sa ilalim ng General CQ (GCQ), higit itong pinaluwag sa 30 porsiyento. Nasa ilalim ngayon ng General CQ ang Metro Manila, kaya naman maaari nang magbukas ang mga retawran hanggang 30 porsiyento.
Gayunman, ang iskedyul na ito para sa pagluluwag ng restriksyon ay hindi kasamang ipatutupad sa mga simbahan. Nitong Huwebes, ipinaalala ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na ang mga simbahan sa Metro Manila ay mananatili sa limitadong 10 porsiyento. Ngunit susunod sila sa sasabihin ng mga awtoridad, aniya. “We may not agree but we follow.”
Ganito rin ang ginawang pagsisiguro ni Bishop BroderickPabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, na sinabing susunod sila sa desisyon ng pamahalaan, kahit pa tila “illogical” na ito. “All we are asking is if they will give business enterprises a larger capacity, the same should be given to churches,” aniya.
Isinara para sa mga mananampalataya ang mga simbahan sa Metro Manila mula nang ipatupad ang lockdown noong Marso. Dumating ang Mahal na Araw noong Abril, nang wala ang nakasanayang Visita Iglesia kung saan tradisyunal na bumibisita ang mga mananampalataya sa pitong simbahan bago ang Biyernes Santo.
Sa unang MECQ noong Mayo, maraming simbahan ang pinayagang magbukas at tumanggap ng 10 porsiyentong kapasidad, napuno noon ang Plaza Miranda sa harap ng Simbahan ng Quiapo ng mga mananampalatayang nakapila, habang naghihintay na makapasok sa simbahan. Tanging dalawang tao sa bawat mahabang upuan ang pinapayagan na makaupo anim hanggang sampung metro ang layo sa isa’t isa.
Marahil panahon na upang buksan ang ating mga simbahan para sa mas maraming tao. Kung maaaring pumasok ang mga tao sa restawran hanggang 30 porsiyento sa ilalim ng kasalukuyang restriksyon sa GCQ sa Metro Manila, katulad na 30 porsiyento sanang kapasidad ang ipatupad para sa mga simbahan.
Nauunawaan natin na kailangan ang matinding pag-iingat ng bansa habang unti-unti nitong niluluwagan ang mga restriksyon mula sa COVID-19 lockdown na nagsimula noong Marso. Kailangan nating makabawi mula sa matinding pagkalugi ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas na limang buwan—kaya kailangan ang unti-unting muling pagbubukas ng mga negosyo at industriya sa bansa.
Kasabay nito kailangan din natin makaahon mula sa pagdurusang dinanas natin sa panlipunan, relihiyon at iba pang aspekto ng buhay sa ating bansa. At ang pagbisita sa simbahan ay malaking bahagi ng buhay sa pinakamalaking Kristiyanong bansa sa Asya. Unti-unti, kailangan din nating buksan an gating mga simbahan para sa ating mga kababayan.