NANAWAGAN kamakailan si World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus sa mga bansa sa magbahagi ng kanilang mga suplay upang malabanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) “strategically and globally” kasabay ng babala laban sa “supply nationalism” sa proseso ng pagbuo ng bakuna at medisina laban sa virus.
“While there is a wish amongst leaders to protect their own people first, the response to this pandemic has to be collective,” paliwanag ni Tedros sa twice-weekly media briefing. “Sharing finite supplies strategically and globally is actually in each country’s national interest. No one is safe until everyone is safe.”
Inilista ng WHO ang 25 kandidatong bakuna na nasa clinical evaluation at 139 na nasa preclinical evaluation upang malabanan ang novel coronavirus.
Anim na kandidato sa COVID-19 vaccine ang nakarating na sa Phase 3 level, ayon sa WHO.
Kinabibilangan ito ang tatlo na mula sa China, isa na dinadebelop ng British-Swedish company katuwang ang Oxford University at dalawa mula sa mga US scientists.
Nag-iingat naman ang WHO sa magiging tugon nito sa anunsiyo ng Russia ng paghahanda para sa pagsisimula ng isang mass vaccination campaign laban sa novel coronavirus sa October, lalo’t may panuntunan na sinusunod ang organisasyon sa pagpo-produce ng bakuna.
“No one country has access to research and development, manufacturing, and all the supply chain for all essential medicines and materials,” ani Tedros. “And if we can work together, we can ensure that all essential workers are protected, and proven treatments like dexamethasone are available to those who need them.”
‘ONE OF TOUGHEST CHALLENGES’
Pagbabahagi ni Tedros, bawat outbreak mula sa mga bagong sakit ay nagdadala ng bagong mga pagsubok, ngunit mula sa isang logistics perspective, ang COVID-19 ang “one of the toughest challenges” na kinaharap ng WHO.
Sa usapin ng personal protective equipment (PPE) sa simula ng pandemya, ilang bansa ang humarang sa pag-e-export, at mayroon din ilang punto kung saan ipinag-utos na ang mahahalagang medical supply ay para lamang sa paggamit ng bansa, aniya.
“Supply nationalism exacerbated the pandemic and contributed to the total failure of the global supply chain,” ani Tedros.
Nangangahulugan ito na may panahon, ilang mga bansa ang kulang o walang suplay ng mahahalagang kagamitan para sa mga health workers na humaharap sa lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.
“The lessons learned from the distribution of these supplies will be important as we look to ensure that our supply chains and systems are honed for future breakthroughs from the ACT-Accelerator,” ani Tedros.
Ang ACT-Accelerator ay isang global collaboration na inilunsad ng WHO upang mapabilis ang pagbuo, produksyon at patas na access sa COVID-19 tests, treatments, at vaccines.
Ayon sa WHO, nangako na ng pagsuporta at pakikiisa ang pamahalaan ng Austria, Belgium, Canada, France, Germany, Italy, Mexico, Morocco, New Zealand, Norway, Saudi Arabia, South Africa, Spain, at United Kingdom, at ang European Commission sa ACT-Accelerator.
Hindi naman nabanggit ang China, Russia, at US bilang bahagi nito.
-Anadolu/PNA