HINIHIMOK ng World Health Organization (WHO) ang gobyerno ng mga bansa sa mundo na magtuon ng atensiyon at konsentrasyon sa pagpapahusay ng pagtugon at pagharap sa COVID-19 para mapabagal o tuluyang masawata ang salot na ito sa halip na maghintay sa bakuna na maiimbento at maipamamahagi sa lahat.
Maraming eksperto, dalubhasa at scientists sa daigdig ang nag-uunahan sa pagtuklas sa bakuna o gamot laban sa coronavirus na tatapos sa krisis-pangkalusugan na ngayon ay lubhang napakabilis sa pagkalat.
Sinabi ni Japanese Dr. Takeshi Kasai, WHO Western Pacific regional director, na kahanga-hanga at nakalulugod na malaman ang pag-uunahan ng mga bansa na makatuklas o makaimbento ng vaccines na papatay sa virus.
Ganito ang pahayag ni Dr. Kasai: “Even if they can really manage and develop safe and effective vaccine, the production capacity would not really meet the demand coming from the entire world”. Ang mahalaga raw ay patuloy na mapabuti ang pagtugon sa pandemya at hindi lang umasa sa bakuna.
Sa Pilipinas, parang ganito rin ang mungkahi at panukala ni Vice Pres. Leni Robredo. Dapat magsikap ang gobyerno at mga ahensiya sa ilalim nito na gumawa ng mga paraan para malabanan ang COVID-19 sa halip na maghintay na lang sa pagkakaroon ng bakuna mula sa Russia, China, US, France, Spain, Italy, Japan, South Korea at iba pa.
Naniniwala naman si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na tanging pag-asa ng Pilipinas para magbalik sa normalcy o normal na takbo ng buhay, ay nakasalalay sa development at distribusyon ng coronavirus vaccine.
Sa talumpati niya noong nakaraang Lunes, sinabing ang bakuna ang “only salvation available to humankind” o tanging Kaligtasan ng sangkatauhan. Una rito, nakiusap siya sa China na pagkalooban ang Pinas ng priority access sa coronavirus vaccines na dine-develop ng bansa ng BFF na si Pres. Xi Jinping.
Inihayag ng Malacañang noong nakaraang linggo na ang Pilipinas ay nakatakdang magsimula ng clinical trials para sa Sputnik V, ang coronavirus vaccine na gawa sa Russia, sa Oktubre. Kung magiging tagumpay ang pagsubok, ito ay irerehistro sa Food and Drug Administration (FDA) sa Abril 2021. Noong una ngang marinig ito ni PRRD, handa raw siyang unang magpabakuna.
Kung paniniwalaan ang Moscow, ang Sputnik V ay mabisa kahit hindi pa ito sumasailalim sa malawakang pagsubok o widespread clinical trials.
Samantala, sinabi ni Doctor Socorro Escalante, WHO Essential Medicines and Health Technologies coordinator, na lahat ng kandidatong bakuna na ipamamahagi sa mundo, ay dapat tumalima sa kaligtasan at efficacy standards.
“WHO on global level continues to coordinate and contact scientists and experts as well as the national regulatory authorities in Russia and we hope to get response in terms of evidence of this new vaccine,” sabi ni Escalante.
Sa minamahal nating bansa na patuloy ang pagdami ng mga biktima ng COVID-19, sinabi ng mga eksperto, paham, dalubhasa sa larangan ng kalusugan, kapag hindi sumunod sa mga patakaran at protocol ng Department of Health ang ating mga kababayan, baka umabot sa 230,000 ang COVID-19 cases sa katapusan ng Agosto. Mga kababayan, inuulit ko,napakasimple lang naman: Laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask, face shield, magpanatili ng tamang agwat (physical distancing) at iwasan ang pagtitipon o maraming tao. Mahirap bang gawin yan?
-Bert de Guzman