LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Naisalba ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na may 36 puntos, siyam na rebounds at walong assists, ang matikas na pakikihamok ng Dallas Mavericks, 130-122, nitong Biyernes (Sabado sa manila) para sa 2-1 bentahe ng kanilang Western Conference first-round series.
Nagtala si Luka Doncic ng triple-double, subalit nalimitahan ang porma niya sa natamong injury sa kaliwang paa sa third period. Tinangka niyang magbalik sa fourth period ngunit hindi naging epektibo.
Nag-ambag si Landry Shamet ng 18 puntos sa Clippers, ngunit hindi naging produktibo si All-Star forward Paul George. Kumana si Ivica Zubac ng 15 puntos.
Hataw si Kristaps Porzingis sa Mavs na may 34 puntos at 13 rebounds, habang tumipa sina Seth Curry at Tim Hardaway Jr. ng tig-22 puntos.
CELTICS 102, SIXERS 94
Tinuldukan ng Boston Celtics ang impresibong opensa sa final period sa matikas na 10-0 run para pabagsakin ang Philadelphia 76ers at lumapit sa posibleng sweep sa kanilang best-of-seven Eastern Conference first-round series.
Kumana si Jaylen Brown ng 21 puntos at kumubra si Jason Tatum ng 15 puntos sa Celtics. Nanguna si Joel Embiid sa Sixers na may 30 puntos at 13 rebounds.
RAPTORS 117, NETS 92
Muling nadomina ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Pascal Siakam na may may 26 puntos, ang Brooklyn Nets para sa 3-0 bentahe – kauna-unahan sa kasaysayan ng prangkisa sa playoff series.
Target ng defending champion na walisin ang Nets sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Game 4.
“Our goal is always to win, and that’s what we came into the game for and I don’t think we worried about that,” pahayag ni Siakam. “It’s just about taking every game and then going out and trying to get a win.”
Hataw si Fred VanVleet sa naiskor na 22 puntos mula sa 6 of 10 shooting sa 3-point range, habang humarbat sina Serge Ibaka ng 20 puntos at 13 rebounds, Kyle Lowry na may 11 puntos at 10 rebounds, at Norman Powell na may 11 puntos.
Nanguna si Tyler Johnson sa Nets sa nahugot na 23 puntos, habang umiskor sina Caris LeVert at Chris Chiozza ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
JAZZ 124, NUGGETS 87
Nailista ni Mike Conley ang career playoff-high na pitong 3-pointers tungo sa 27 puntos para sandigan ang Utah Jazz kontra Denver Nuggets at 2-1 bentahe sa first-round series.
Ang 37 puntos na kabiguan ang ikatlong pinakamasamang kabiguan sa kasaysayan ng prangkisa ng Denver. Ang marka ay 44 puntos laban sa Los Angeles Lakers noong May 22, 1985.
Nag-ambag si Rudy Gobert ng career playoff-high 24 puntos at 14 rebounds, habang nalimitahan si Donovan Mitchellsa 20 puntos matapos ang Jazz playoff-record 57 puntos sa Game One at 30 puntos sa Game Two.