“KAPAG binalewala ang Saligang Batas, ang pakikidigma sa illegal drugs ay magiging self-defeating at self-destructive na gawain. Ang digmaan laban sa illegal drugs na niyuyurakan ang mga karapatan ng mamamayan ay hindi war on drugs, ito ay digmaan laban sa taumbayan,” wika ng Korte Suprema sa kanyang desisyon sa kasong People of the Philippines vs Jerry Supla na sinulat ni Mahistrado Alfred Benjamin Caguioa. Nag-ugat ang kaso nang dakpin at ihabla ng possession of illegal drugs si Sapla na umano ay may dala ng apat na bloke ng marijuana na kinumpiska ng mga pulis sa jeep na kanyang sinasakyan. Hinuli si Sapla base sa pamamagitan ng anonymous phone call na isang lalake na may sinabing kasuotan ang magdadala ng marijuana na nasa asul na sako sa Isabela mula Kalinga. Hinatulang nagkasala si Sapla ng Regional Trial Court ng Tabuk at kinatigan naman ito ng Court of Appeals. Binaligtad ng Korte Suprema ang desisyong ng dalawang korte. Limitado lang, aniya, ang mga pulis sa routinary inspection sa mga behikulo. Wala silang karapatang maghalughog batay lamang sa mensahe ng hindi kilalang tao, at hindi ito masasabing probable cause para mang-aresto ng walang warrant of arrest. Aniya, kahit gaano ka-reliable ang tip, ito ay tsismis. Dahil dinakip si Sapla ng walang warrant of arrest, ilegal ang pag-aresto sa kanya at hindi puwedeng gamiting ebidensiya ang nakumpiskang marijuana.
Napakatapang ng desisyong ito. Bakit nga ba hindi, eh ibinabalik sa tamang direksyon ang lisyang paniniwala ng kasalukuyang administrasyon. Na ang paniniwalang ito ay siyang ipinagpipilitan sa sambayanan na tama dahil napupuksa ang krimen. Kahit saan mo tingnan, ang krimen ay hindi mo pwedeng magapi ng panibagong krimen. Ang pamamaraang ito ay hindi kailanman magbibigay ng katahimikan at katiwasayan. Ang mali ay nilalabanan ng katwiran. Ang krimen ay dapat puksain gamit ang batas bilang armas. Ang pamamaraang ito ang magdudulot ng tunay na katahimikan dahil ito ang katarungan.
Ikinatutuwa ko ang desisyon dahil animo’y kinukumpirma na nito ang aking nararamdaman. Nadarama ko na kasi ang paglakas ng galaw sa pundasyon ng ating lipunan. Malikot at magalaw na ang pundasyon bunsod ng kagutuman at kaapihan. Inabot na nito ang Korte Suprema lalo na nang gawin itong larangan ng labanan ng sambayanan. Hanggang ngayon patuloy pa ang paghahain nila ng petisyon para ibasura ang Anti-Terrorism Act. Eh, ang Korte ay kaasalukuyan nang tinatauhan ng mga mahistradong karamihan ay hinirang na ni Pangulong Duterte. Pero, ang desisyong Sapla na bumabatikos sa war on drugs ng Pangulo dahil sa maling pagpapairal nito ay kinatigan ng labing isang mahistrado kabilang na rito si Chief Justice Diosdado Peralta. Tatlo lamang ang tumutol sa nasabing desisyon.
Noong bago pa sa panunungkulan ang Pangulo, nasa kanyang kabagsikan sa pagpapairal ng kanyang war on drugs. Nagitla ang sambayanan sa walang habas na pagpatay sa mga umano ay sangkot sa droga. Ang mga humarang at nagpaalala sa kanya na igalang ang due process at karapatang pantao ay lumasap ng hindi maganda sa kanya. Nagbunga ito ng pagpapatalsik kay dating Chief Justice Sereno sa kanyang pwesto at pagpapatalsik kay Sen. Leila de Lima bilang pinuno ng Senate Committee on Justice at pagkapiit niya hanggang sa ngayon. Ngayon, ito ang Korte Suprema na sa kanyang sariling kapangyarihan ay animo’y kumakampi sa mga naunang kumalaban sa Pangulo na nagsabi sa kanyang sumunod sa rule of law. Kahit paano, dahan-dahan nang pinangingibabaw ng katarungan ang kanyang sarili sa pagtataguyod at pwersa ng masa.
-Ric Valmonte