NAGHAHANDA na magdaos ng panibagong season ang unang franchise-based esports league sa bansa.
Sa kabila ng matinding mga hamon na kinakaharap, plano ng The Nationals na simulan ang kanilang ikalawang season sa susunod na buwan (Setyembre).
Orihinal na nakatakda noong nakaraang Marso, patuloy sa pagsasasgawa ng mga kinakailangang mga adjustments ang unang franchise-based esports league upang maidaos ang kanilang second season sa gitna ng pandemya.
Kabilang sa mga pagbabago ay ang pagdaraos ng laban online sa halip na gawin ang torneo sa studio.
Malaking bagay ang nagawa ng dating studio setup dahil pinalakas nito ang local esports production, gaya ng pagbubukas ng mga games sa live audiences, pagpapakita ng reaksiyon ng mga players at pagkakaroon ng on-the-spot interviews.
Ngunit kahit magiging remote ang kompetisyon, naniniwala silang makapaghahatid pa rin ng pag-asa at saya ang The Nationals ayon kay league commissioner Ren Vitug sa gitna ng pandemya.
“We think that there is an opportunity to inspire,” pahayag ni Vitug. “Not just in giving joy to the people, but also by using the platform that the teams and we have to spread awareness.”
Balak ng The Nationals na maghanay ng tatlong games na itinampok nila sa unang season na Tekken 7, Dota 2 at Mobile Legends: Bang Bang sa mas pinaikling season na may tatlo lamang – conferences sa halip na 6.
Bukod sa regular na suweldo, nagbibigay din liga ng insentibo sa mga top performers sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mahigit P5 milyon na cash prize noong nakaraang season.
Nagwagi din ang ilang mga players ng liga ng medalya para sa bansa sa esports competition ng nakaraang 30th Southeast Asian Games.
-Marivic Awitan