Inaprubahan ng House subcommittee on labor standards ang Eddie Garcia Bill matapos sumailalim sa masusing diskusyon at mga susog.
Ang Eddie Garcia bill ay tungkol sa proteksiyon at kaligtasan ng mga manggagawa sa pelikula, sa television at radio entertainment industry, ayon kay committee chairman Rep. Raymond Democrito Mendoza (Party-list TUCP).
Kabilang sa isinama sa panukala ang mga probisyon hinggil sa working hours at mga kondisyon para sa mga manggagawa ng industriya na pawang senior citizen at minor.
Pinalitan ng Eddie Garcia Bill ang House Bill Nos. 81, 181, 1019, 1766, 4875, 5596, 6157 at 6549. In-adopt din ang HB 6157 na akda ni Rep. Christopher de Venecia (4th District, Pangasinan).
Magugunitang si Eddie Garcia, isang beteranong aktor ay namatay sa edad na 90, matapos masabit ang paa sa isang kawad habang nagsasagawa ng taping para sa isang teleserye.
-Bert de Guzman