“Itigil na itong kahunghangan hinggil sa pagtungo ko sa Singapore, kung sakali man. Kung gusto kong pumunta, pupunta ako. Wala kayong pakialam kung gusto kong pumunta,” wika ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nagkaroon ng haka-haka tungkol sa kalusugan ng Pangulo bunsod ng Facebook post hinggil sa datos mula sa flight tracker website na Learjet na nakarehistro bilang medical evacuation aircraft ang lumapag sa Davao City nitong nakaraang Sabado. Sa araw ding ito bumalik ang aircraft sa Singapore. May bali-balita na lumabas ng bansa ang Pangulo para sa medical emergency. Bago kasi ito, nang huli siyang mag-ulat sa bayan, bakas sa kanyang mukha at pananalita na may iniinda siyang karamdaman. Sa kanyang itsura, hindi maganda ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Bukod dito, isang linggo siyang nawala. Ang paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay nasa perpetual isolation siya, mabuti hindi niya nasabing alienation.
Galit ang Pangulo nang sabihin niyang walang pakialam ang sinuman kung saan siya pupunta. Siya, aniya, ay mamamayan ng bansa na tulad din ng iba ay may karapatang ginagarantiyahan ng Saligang Batas. Aniya, napakababa ng tingin sa kanya kung inaakala na siya ay gumagala samantalang ang bansa ay nahaharap sa problema. Para ihayag ang kanyang galit nagpasulot (dirty finger) ito.
Totoo, lahat ng mamamayan ay may karapatang maglakbay. Pero, hindi naman ito ang isyu laban sa Pangulo, totoo man o hindi na siya ay lumabas ng bansa. Kaya, naging bali-balita ang pagtungo niya sa Singapore ay dahil sa siya ay magpapagamot. Bukod kasi sa mistulang may sakit siya nang huling humarap sa bayan, nawala siya sa paningin ng sambayanan hanggang sa siya ay magpakita uli pagkaraan ng isang linggo. Alam naman ng Pangulo na hindi siya ordinaryong mamamayan. Siya ay inihalal ng taumbayan para pamunuan ang bansa. Karapatan ng mamamayan na malaman kung kaya pa niyang pamunuan sila lalo na sa panahong dumaranas sila ng kahirapan. Kaya pa ba niyang itawid sila sa kasalukuyang krisis? Bukod dito, siya pa ba ang nagpapatakbo ng gobyerno? Kaya, napakahalagang malaman ng taumbayan ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Ginawa ng Saligang Batas na karapatan nila ito at ginawa rin nito na obligasyon ng Pangulo na ihayag sa kanila ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
May pinaghuhugutan ang probisyong ito ng Konstitusyon. Noong panahon ni dating Pangulong Marcos, inilihim sa taumbayan ang kanyang kalusugan. Halos hindi na niya magampanan ang kanyang tungkulin dahil sa kanyang karamdaman. Huli na nang malaman nila na dahil sa mabigat niyang sakit at sumailalim pa sa operasyon, iba na ang nagpapatakbo ng gobyerno dahil wala na siyang kakayahang gampanan ang kanyang tungkulin. Kaya, may batayan ang resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros na kumukuwestyon sa mga pulis at sundalo na nakikialam sa pagpapatakbo ng local government unit sa ngalan ng pagpapairal ng protocol upang maiwasan ang pagkalat ng pandemya. Si Presidential Security Adviser Esperon ay nasa Makati kamakailan upang alamin ang paraan ng gobyernong lokal sa pagpapatupad ng protocol at gumawa ng suhestiyon. Nasa sensitibong posisyon sa gobyerno ang mga opisyal ng dating administrasyong Arroyo tulad nina Francisco Duque sa Health Department, Andrea Domingo sa PAGCOR, Devanadera sa Philippine Oil Commission. Hindi ako magtataka na ang nag-ugnay kay Pangulong Duterte sa China ay si dating Pangulong Gloria Arroyonna siyang naunang nagkatransaksyon sa bansang ito dahil sa naunsiyaming ZTEBond. Baka iba na ang nagpapatakbo ng gobyerno ng Pilipino.
-Ric Valmonte