NGAYON ang kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Kung buhay pa siya, ngayon ang kanyang ika-142 taong pagsilang. Pero, dunggol ng kaibigan kong palabiro, kung meron ba sa kasaysayan ng mundo na ang isang tao ay umabot sa 142 taon. Sagot ko: “Marami, kung ang pagbabatayan at paniniwalaan ay ang Bibliya.”
Si MLQ ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa. Gayunman, kinokontra ito ng mga grupo o rehiyon na salungat sa pagdedeklara niyang ang Tagalog o Pilipino ang Pambansang Wika. Anyway, sa ayaw at sa gusto natin, mananatiling Tagalog ang pangunahing lengguwahe ng Pilipinas habang ang Metro Manila ay gumagamit ng Tagalog, kasama na ang Calabarzon.
Noong una, isinasabay ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa kapanganakan ni MLQ. Nang si Fidel V. Ramos ang naging presidente, ginawa itong Buwan ng Wika. Ang okasyon ay bilang pagkilala at pagpupugay sa wika ng bansa na itinuturing na kaluluwa nito.
Para maiwasan ang gulo at kontrahan, huwag na nating palakihin ang kontrobersiya sa kung aling lengguwahe ang pambansang wika, basta magsalita na lang tayo sa wikang sanay tayo, at kung ang taga-Mindanao at Visayas ay pupunta sa Metro Manila at Calabarzon, aba magsalita kayo ng Tagalog. Gayundin, ang mga nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Bicolandia. Of course, mag-aral din tayo ng English o kaya ay ng Mandarin o Fukien (Chinese) o ng Russian language.
Sa balita noong Agosto 14, sinasabing ang Pilipinas ay mananatiling “world’s biggest rice importer” hanggang 2021 bunsod umano ng pagbaba ng lokal na produksiyon. Tayo ay isang agrikultural na bansa. Sa katunayan, sa bansa natin nagsisipunta para mag-aral ang mga estudyante ng ibang mga bansa, tulad ng Vietnam, Thailand, China, Malaysia at Indonesia, upang mag-aral ng agrikultura.
Gayunman, sa hinaba-haba ng panahon, napag-iwanan tayo ng mga dayuhang estudyanteng mag-aaral, at ang mga propesor na Pilipino sa agrikultura sa Los Banos, IRRI at maging sa Munoz, Nueva Ecija, ay nakatunganga gayong sila ang nagbigay ng mga aralin at puntos tungkol sa angkop na agrikultura.
Marahil ay hindi ito kasalanan ng propesor at guro sa Los Banos. Ang dapat sisihin ay ang kakulangan ng tulong, pagsisikap at determinasyon ng mga lider ng ‘Pinas na isulong at pagbutihin ang agrikultura sa atin, pagkalooban ng sapat na pondo ang Deparment of Agriculture upang matupad ang misyon nito na paunlarin at pasiglahin ang pagsasaka.
Positibo (hindi sa COVID-19) si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno na makare-recover ang Pilipinas sa pagbagsak ng ekonomiya sa fourth quarter o ikaapat na tatlong buwan ng taong ito matapos mailatag ang mga hakbang at solusyon sa pagsawata ng coronavirus.
Kung si Benjamin Diokno, (na ang unang pangalan ay malimit bigkasin bilang “Bendyamin” ng mga reporter at broadcaster gayong tayo ay nasa ‘Pinas at hindi naman tunog-English ito), ang paniniwalaan, nakaraos na raw ang PH sa grabeng kalagayan nang sumisid ito sa matinding “recession” nitong ika-2 tatlong buwan nang manalasa ang COVID-19. “The worst is over for the economy. It is now on the way to recovery from a major slump.”
Bumulusok ang bansa sa resesyon nang ang gross domestic product (GDP) ay dumanas ng 16.65 porsiyentong pagbaba sa second quarter mula sa 0.7 porsiyento sa unang quarter nang ang ekonomiya ay nabalaho matapos ilagay ang PH sa Enhanced Community Quarantine sa kalagitnaan ng Marso.
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, hindi ko alam kung ano ang naging desisyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kung ang bansa ay ibabalik sa General Community Quarantine (GCQ) o mananatili sa Moderate Enhanced Community Quarantine (MEGCQ) o lulukso sa Moderate General Community Quarantine (MGCQ)!
-Bert de Guzman