GINUNITA ng Japan nitong Sabado ang ika-75 anibersaryo ng pagsuko nito sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Agosto 15, 1945, kung saan nagpahayag si Emperor Naruhito ng “deep remorse” hinggil sa naging aksiyon ng bansa noong panahon ng digmaan, kabilang ang okupasyon sa Pilipinas sa loob ng tatlong taon noong 1942-1945.
Nagpahayag ng pag-asa ang emperador na hindi na muling mauulit pa ang trahedya. Nangako itong susundan ang yapak ng kanyang ama, si dating Emperor Akihito na inilaan ang buong 30-taon ng pamumuno sa pagbibigay ng bayad-pinsala para sa digmaang itinaguyod ng mga lider ng hukbo ng Japan sa ngalan ni Emperor Hirohito, ang lolo ng kasalukuyang emperador.
Sumuko ang Japan matapos ibagsak ng US, sa pangunguna ni President Harry Truman, ang unang atom bomb ng mundo sa kalabang bansa, sa siyudad ng Hiroshima noong Agosto 6, 1945, na kumitil sa buhay ng 80,000 katao. Makalipas ang tatlong araw, bumagsak ang ikalawang atom bomb noong Agosto 9, sa Nagasaki, na pumatay na panibagong 80,000. Sa puntong to ibinigay ni Emperor Hirohito ang kanyang pahintulot sa War Council ng Japan, upang tanggapin ang kahilingan ng Alyansa para sa ganap na pagsuko ng Japan.
Sa kasalukyan, halos makalimutan na ng US at mga kaalyado nito, gayundin ang mga bansang tulad ng Pilipinas na nagdusa sa pananakop ng puwersa ng Japan, ang kaganapang ito noong Agosto 15, 1945, at hindi na ginunita ang anibersaryo. Ngunit nagpapatuloy ang Japan, sa taunang pagpapahayag ng emperador ng pagsisisi ng Japan at ang pag-asa na hindi na muling mauulit pa ang trahedya.
Ginunita naman ni Prime Minister Shinzo Abe ang araw kasama ng pasasalamat para sa mga namatay sa digmaan, ngunit hindi ito ng nagbigay ng anumang pahayag ng pagsisisi. Higit na tuon ng mga politikal na lider ng Japan ang pagpapatibay ng Japan matapos ang digmaan. Gayunman, nasa likod pa rin ng bansa ang konstitusyon nito, na ipinataw ng Amerikanong mananakop matapos ang digmaan.
Itinatakwil ng konstitusyon ito ang digmaan at pinapayagan lamang ang armadong puwersa na pandepensa, sa makatuwid, ipinagbabawal nito ang mas malaking tungkulin ng Japan sa rehiyunal na alyansang militar. Naghahangad si Prime Minister Abe na makalikom ng mas malaking kapasidad ng missile defense sa harap ng ikinababahala nitong banta mula sa China at North Korea.
Walang ibang bansa na nagdaraos ng seremonyal na paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi ang US, na nanguna sa puwersa ng Alyansa na tumanggap sa pagsuko ng Japan. Hindi ang Pilipinas, na sa kabila ng tatlong taong okupasyon ng mga Hapon na nilabanan ng mga Pilipinong guerilla kasama ng malaking pagkawala ng mga buhay—ngayo’y ikinokonsidera ang Japan bilang isang malapit na kaibigan at kaalyado.
Patuloy itong ginugunita ng Japan bilang paalaala sa mga mamamayan nito sa madalim na panahon at bilang pagsisiguro sa mga nagdusa sa digmaan, kabilang ang Pilipinas, na bahagi na lamang ito ng nakalipas at hindi na muli pang mangyayari.