Batay sa rekomendasyon ng Metro Manila mayors na paigtingin na lamang ang COVID -19 health protocols at proposal ng Inter Agency Task Force (IATF) hinggil sa emerging infections, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbalik ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at, Rizal.
Sa public address nitong Lunes ng gabi (August 17), inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatutupad din ang GCQ sa Nueva Ecija, Batangas, Quezon sa Luzon; Iloilo City, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu province sa Visayas
Malalagay naman sa modified general community quarantine (MGCQ) ang nalalabing parte ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, epektibo ang bagong quarantine classifications mula Agosto 19 hanggang August 31, 2020.
Kasabay nito, inilunsad ng pamahalaan ang kampanyang ‘Ingat Buhay Para sa Hanapbuhay’ upang ipaalam sa publiko na maaari namang maghanapbuhay kahit may kinakaharap na pandemya.
Ipinunto ni Roque na kung walang matatanggap na ayuda ang mamamayan, ang solusyon ay buksan ang ekonomiya at hayaang makapagtraabaho ang mga tao pero kaakibat dito ang kaukulang pag-iingat.
Habang tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na muling makakabiyahe ang mga pampublikong sasakyan na may akreditasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Balik-operasyon na rin ang mga tren, batay sa abiso ng mga pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR).
Samantala, hanggang 30 percent lamang ang dine-in sa mga restaurants at religious services sa mas maraming industriya ang bubuksan.
“Halos lahat po ng industriya ay magbubukas bukod na lang po doon sa maraming nagtitipun-tipon, ‘yung mga entertainment, at ‘yung mga amusement para po sa bata ‘no,” ayon kay Roque.
-BETH CAMIA, JUN FABON at MARY ANN SANTIAGO