ISANDAAN at dalawampu’t dalawang taon na ang nakararaan, gabi ng Agosto 13, 2020, nang itaas ang watawat ng Amerika sa bahagi ng Fort Santiago hudyat ng pagsisimula ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Sinundan ito ng tinatawag na “Mock Battle of Manila” isang palabas na labanan sa pagitan ng puwersa ng mga Amerikano at Espanyol na idinesenyo upang pakalmahin ang loob ng huli at linlangin ang mga Pilipino.
Mauunawaan natin kung bakit ang mahalagang kaganapang ito ay tumanggap ng katiting na atensyon noong nakaraang linggo habang patuloy tayong nakikipaglaban sa coronavirus at nagsisikap ang mga tao na maisalba ang kanilang hanapbuhay sa gitna ng lockdown. Ngunit lagi akong naniniwala na itinuturo sa atin ng kasaysayan ang mga bagay na maaari nating magamit sa pagharap sa mga suliranin sa kasalukuyan. Madalas akong humanga sa kung paano naipapaliwanag ng nakalipas ang kasalukuyan at hinaharap.
Ang Labanan sa Maynila ay resulta ng negosasyon sa pagitan nina US Commodore George Dewey at Spanish Governor General Fermin Jaudenes upang wakasan ang sigalot sa pagitan ng Amerika—kasama ng mga Pilipinong rebolusyonaryo—at Espanya na naglalaban para sa kontrol ng Maynila.Ang labanang ito ay bahagi ng mas malaking komplikasyon sa Digmaang Espanyol-Amerikano.
Nakatuon ang pangunahing isyu ng negosasyong ito sa kung paano mapupunan ang kahilingan ng Espanya na mapanatili ang kanilang puri sa kabila ng pagsuko at kung paano maiiwasang mapunta ang Maynila sa kamay ng mga Pilipinong rebolusyonaryo sa pangunguna ni Emilio Aguinaldo. Ang solusyon ay isang panlilinlang at pagtataksil.
At noong ngang umaga ng Agosto 13, 1898, isang palabas na labanan ang naganap sa Fort San Antonio Abad. Batid ng puwersa ng Amerika at Espanya ang usapan ngunit ang mga Pilipino—tulad ng lagi nilang ginagawa—ay nakipaglaban ng buong puso upang magapi ang mga mananakop ng mahigit tatlong siglo.
Tulad ng plano sumuko ang Hukbo ng Espanya na nasa loob ng Intramuros. Ibinahagi sa atin ng mga Historyador ang pekeng labanan na ito ay hindi na dapat pang naganap. Sa katunayan, isang Peace Protocol na nagsususpinde sa lahat ng labanan sa pagitan ng Amerika at Espanya ang nilagdaan isang araw bago ngunit nagdesisyon si Admiral Dewey na putulin ang kable na nagkokonekta sa Maynila sa Hong Kong at sa labas ng mundo.
At dahil dito, natuloy ang palabas na digmaan. Nagawang maisalba ng Espanya ang kanilang pangalan, nakuha ng Amerika ang kanilang unang kolonya, at naiwan ang mga Pilipino para harapin ang panibagong puwersa ng kanluraning mananakop matapos buong giting na gapiin ang una. Hindi man lamang pinayagan ang mga Pilipino na makapasok ng Maynila upang makapagbunyi sa kanilang tagumpay.
Natatandaan kong galit na galit ako habang binabasa ang kaganapang ito sa aklat ng ating kasaysayan noong ako’y estudyante pa. Ngunit hindi rito natapos ang pagtataksil. Makalipas ang apat na buwan, lumagda ang Amerika at Espanya sa Kasunduan sa Paris na nagwakas sa sigalot ng dalawang bansa. Ang Kasunduang ito ay mahalaga bilang senyales ng pagwawakas ng emperyo ng Espanya at ang pagsisimula ng pangingibabaw ng Amerika sa mundo.
Naiwan ang mga Pilipino sa dilim hinggil sa detalye ng kasunduan ngunit kalaunan ay natuklasan nila ang lawak ng panlilinlang na ginawa sa kanilang pinakamamahal na bansa. Bahagi ng Kasunduan sa Paris ang isang mabigat na probisyon na isusuko ng Espanya ang isla ng Pilipinas sa Amerika kapalit ng halagang dalawampung milyong dolyar.
Ang mga magigiting na Pilipinong mandirigma, matapos magapi ang puwersa ng mga Espanyol, ay muling naharap sa panibagong labanan para sa kalayaan laban sa mga Amerikano noong Pebrero 4, 1899, ang simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Ang mga makasasayang kaganapang ito ay nagbibigay ng linaw sa kahalagahan ng ating kalayaan at kasarinlan. Ipinaliliwanag nito ang serye ng mga dayuhang polisiyang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkakalas sa atin mula sa matinding pagsandal sa kapangyarihan ng Amerika at magbukas ng bagong lunsaran ng pakikipag-alyansa sa Japan, China, Russia at mga kalapit-bansa sa Southeast Asia.
Nakatuon ang lahat ng bansa sa sarili nitong interes. Dapat nating ugaliin na laging pumanig sa interes ng mga Pilipino.
-Manny Villar