WALA ng laban o bawi, tuloy na ang pagbabalik ensayo ng professional sports kabilang na ang Philippine Basketball Association (PBA).
Ayon kay Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, may sapat na programang inihanda batay sa ipinapatupad na ‘health protocol’ ang PBA at Philippine Football League (PFL) kung kaya’y walang nakikitang balakid ang ahensiya sa pagbabalik ensayo ng mga atletang pro, higit at ibinalik ng Pangulong Duterte ang status ng Metro Manila at karatig lalawigan sa mas maluwag na General Community Quarantine (GCQ).
“It’s a big relief of course. But GAB reiterated that only professional athletes are allowed to go back in training based on the approved program in the Joint Administrative Order (JAO) jointly crafted by the GAB, Philippine Sports Commission (PSC) and the Department of Health (DOH),” pahayag ni Mitra.
“Muli po kaming nagpapaala sa ating mga kababayan. Huwag po tayong kumilos agad-agad. Alam po namin ang pinagdadaanan ng lahat, pero sa kasalukuyan tanging mga professional athletes lang ang puwedeng magbalik traning,” sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.
Iginiit naman ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez na nakaantabay lamang ang ahensiya sa ipag-uutos ng pamahalaan para sa pagbabalik ensayo ng mga atleta, higit yaong may nakatakdang laban sa Olympic qualifying sa abroad.
Natigil ang Tokyo Olympics na nakatakda ngayong taon, gayundin ang kaakibat na Olympic qualifying bunsod ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
Nagsimula na ang dalawang liga at iba pang professional combat sports tulad ng boxing, mixed martial arts at muay thain nang maisailalim ang ang Manila sa GCQ, ngunit kagya’t itong binawi nang muling ibaba ang MECQ nitong Hulyo 31 para maabatan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID- 19
Kasasunod nito, nagpalabas na ang PBA ng iskedyul para sa pagbabalik ensayo sa Agosto 25. Bago ito nakatakdang sumailalim sa swab test ang players at personnel ng mga koponan sa Agosto 20 at 21.
-Edwin G. Rollon