KUNG baga sa telenobela na sinusubaybayan ng libu-libong kababayan natin sa telebisyon, p’wede nang maihanay ang mga nagaganap na pagdinig sa Kongreso at Senado hinggil sa bilyones na katiwalian sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) bilang isang “blockbuster” movie.

Mas matindi kung tutuusin, ang dami ng naka-monitor sa mga imbestigasyong ito dahil, kung dati-rati ay sa radio at TV lang nakatutok ang mga tao, sa ngayon ay sa mga gadget o smart phones na lang na dala-dala ng bawat isa kahit saan magpunta.

Kaya nga sa ilang lugar na dinaanan ko – para sa aking araw-araw na paglalakad ng 3 hanggang 5 kilometro bilang ehersisyo – ang bawat makita kong kalugar na naghahanap-buhay, ay nakatutok sa kani-kanyang cellphone, at ang pinanonood, eh ano pa nga ba, kundi ang telenobela na pwede nating bansagan na: “Bitayin ang mga kawatan sa PhilHealth!”

Ilang beses din akong huminto sa paglalakad at lumapit sa ilang umpukan upang hingian ng opinyon hinggil sa nagaganap na imbestigasyon sa Kamara.

Iisa halos ang silakbo ng kanilang damdamin: “Dapat sa mga ganid na opisyal na ‘yan bitayin o ipako sa krus. Sobrang suwapang sa pera, pati ang para sa kalusugan natin sa panahon ng pandemiya, ninanakaw pa nila!”

Mantakin n’yo naman, lumitaw sa imbestigasyon na sa gitna ng pandemiyang COVID-19, tuluy-tuloy ang nakawan sa PhilHealth, at batay sa records na hawak ni Anakalusugan Rep Michael Defensor, may 51 ospital ang tumanggap ng P1.49 bilyon na cash advances mula sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM), kahit na ang mga ito ay may mga fraud case pa.

Sentimyento ng isang medyo may idad ng tricycle driver na nakausap ko: “Yung anak ng kapitbahay ko nahuling nang-uumit ng corned beef sa supermarket, muntik ng makulong kundi nabayaran agad ng tatay ‘yung de-lata. Pero itong mga milyones ang ninakaw na sa PhilHealth, binigyan pa ulit ng bilyones…Maraming kumita rito sigurado ako!”

Komento ng isang nagpapahingang taxi driver sa isang kanto na naraanan ko: “Ang ninanakaw nila kontribusyon nating lahat na naghahanapbuhay upang mapangalagaan ang ating kalusugan. Pero ngayong naiipit na ang mga ganid na ito, ang palusot naman nila – ay masama raw ang kanilang pakiramdam dahil may malala silang karamdaman. Mga walang kaluluwa, ma-COVID sana kayo!”

Ayon pa sa mga dokumentong napasakamay ng Kamara, may kabuuang bilang na 4,664 fraudulent cases sa PhilHealth, at ang 768 ay naganap sa pagitan ng 2013 to 2018.

At ito ang matindi – sa loob lamang ng dalawang taon, mula 2019 hanggang sa kasalukuyan, ay umabot na agad sa 3,806 ang mga kaso ng katiwalian!

Ayon kay Rep Defensor ito ang ilang pamamaraan kung paano ninakawan ang PhilHealth: “The fraudulent cases include padding of claims, claims for non-admitted or non-treated patients, extending period of confinement, postdating of claims, and misrepresentation by furnishing false or incorrect information. Others involve unjustified admission beyond accredited bed capacity, unauthorized operations beyond service capability, and fabrication or possession of fabricated forms and supporting documents.”

Sa imbestigasyon naman noon sa Senado, sa pagtatapat ng isang dating PhilHealth antifraud legal officer’s, may MAFIA o sindikado sa mismong executive committee ng ahensiya na nakakuha ng halos P15 bilyon sa taong 2019 lamang. Grabe ‘di ba?

Nang marinig ko naman na pumirma ang mga opisyales na ito ng PhilHealth ng “bank secrecy waiver” na magbubukas sa kanilang mga bank accounts sa pag-iimbestiga ng Anti-money Laundering Council – ngiting aso ang lumabas sa mukha ko.

Bulong ko sa sarili: “Lifestyle check -- napanood ko na rin ‘yan noon…natanggal sa puwesto ‘yung mga ganid na opisyal na inimbestigahan, pero bago mag-eleksyon mga nakabalik sa puwesto, at ‘yung mga matitinik na imbestigador ang nawalan ng trabaho!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.