AMINADO si Mary Joy Tabal na dumanas siya ng matinding pag-aalala nitong pandemic bunga na rin ng pagkakaantala ng lahat ng kanyang mga planong training para sa isa pang qualifying stint na magiging daan para sa kanyang Olympic dream sa Tokyo.
Ikinuwento ng Rio Olympics veteran sa kanyang pagbisita sa TOPS ‘Usapang Sports On Air’ nitong Huwebes na ang malaking balakid sa kanyang pagsasanay ang naganap na lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Iyong bawal na lumabas, parang ang hirap, nagka-anxiety ako kasi ang sports natin ay outdoor, kaya nagtiyaga na lang ako sa bahay na magpakondisyon ng katawan. Mayroon namang lugar dun sa tabi naming na uphills stair at doon ako nage-ensayo. Iyong mga core exercise, iyon na lang ang ginagawa ko,” pahayag ng 2017 SEA Games gold medalist sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR.
Bagama’t mahigpit pa rin ang Cebu City dahil sa lockdown kung saan siya nakabase sa ngayon, ikinatuwa niyang nabigyan siya ng espesyal na quarantine pass ng POC at IATF upang makapagpatuloy sa ensayo sa labas.
“Nagpapasalamat ako sa kanila, pero may strict guidelines pa rin na pinaiiral kahit na puwede ako tumakbo sa labas,” sambit ng MILO Home Court ambassador.
Habang naka-home quarantine nakita rin ni Tabal ang iba pa niyang skills o talent bukod sa long distance running champion, ito ay ang pagbe-bake. Sa katunayan, mayroon na siyang bakeshop online na mismong siya ang personal na gumagawa ng mga espesyal niyang tinapay na dinedeliber na rin sa kanilang lugar.
Hindi natuloy si Tabal na sumabak sa Seoul Marathon 2020 noong Pebrero dahil kinansela bunga ng pandemic, maging ang Standard Chartered marathon, ang Scotiabank Ottawa Marathon noong Mayo na pawang magiging tiket sana niya sa Olympics 2021.
Inaasahan niyang sa sandaling makasabak siya sa qualifying ay ipupursige niyang makapasok sa Olympics kung saan ay may running time siya na 2:43:29 sa Ottawa noong 2016 at nag-124th place noong Rio Olympics.
-Annie Abad