NAKATAKDA sanang mabukas ang school year 2020-2021 para sa mga pampublikong paaralan isang linggo mula ngayon, sa Lunes Agosto 24. Ngayon iniusod ito ng 35 limang araw, sa Oktubre 5, ng Pangulo matapos ang rekomendasyon ng Department of Education.
Bago ang desisyon ng pangulo, handa na ang DepEd para sa pagbubukas sana sa Agosto 24. Una nang naantala ang pagbubukas ng klase noong Hulyo dahil sa nagaganap na COVID-19 pandemic na dahilan upang upang buuin ng DepEd ang blended learning system, na pinaghalong Internet-based sessions , television at radio programs, at printed modules.
Nagsagawa rin ng simulation ng bagong sistema sa 500 paaralan sa bansa. “There were problems but these were resolved,” pahayag ni Secretary Leonor Briones matapos ang dry run sa 500 paaralan. Aniya, ang anumang pagkaantala sa pagsisimula ng klase ay maaaring makaapekto sa interes ng mga estudyante na matuto.
Maraming opisyal ang taliwas ang opinyon sa kalihim. Sa isang pandinig ng Senado, nalaman na hanggang nitong nakaraang Miyerkules, 82 lamang mula sa 130 school division sa bansa ang nakakumpleto ng pagpapa-print ng mga modules na kailangan para sa unang quarter ng pasukan. Sa halos 50 paaralan na wala pang modules, maraming guro ang nagrereklamo na hindi pa nila natatanggap ang kanilang mga modules, na kailangan nilang aralin bago nila magamit sa para sa mga estudyante. At sa ilang rehiyon kailangan pa nila itong dalhin sa bahay-bahay.
Sinabi ni Rep. France Castro ng party-list Alliance of Concerned Teachers na dahil sa napakamaraming module na kailangan pang mai-print at ipamahagi, malamang na hindi pa handa ang Department of Educaion para sa pag-aaral ng 21.5 milyong mga mag-aaral sa Agosto 24. Ayon naman kay Quezon City Rep. Alfred Vargas ng House Committee on Basic Education maraming paaralan sa bansa ang hindi pa handa para sa distance learning.
Hinikayat naman ni Gov. Dakila Carlo Cua of Quirino, pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines, ang DepEd na pakinggan ang hinaing ng mga guro tungkol sa kanilang kalusugan, ang logistic ng pagdadala ng mga module sa mga bahay-bahay at muling pangongolekta dito bilang bahagi ng proseso. Sa planong blended learning system, aniya, maaaring mahawa ng COVID-19 ang ilang mga estudyante.
Sinabi ni Secretary Briones na nagdesisyon ang ahensiya na irekomenda ang pagpapalawig ng pagpapaliban ng pagbubukas ng klase matapos ibalik ang Metro Manila at Region IV-A sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ). Nakaapekto umano ang mga ipinatutupad na restriksyon sa plano ng DepEd.
Mabilis namang inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyong ito ng DepEd. Mula sa umpisa, laging sinasabi ng pangulo na hindi niya papayagan ang face-to-face classes hangga’t wala pang bakuna para sa COVID-19. Ngayong hindi pa natitiyak ang bakuna bago ang Disyembre, maaaring hindi pa pinal ang desisyon na Oktubre 5. Maaaring muli pa itong mausod sa Enero, 2021.