NAG-UUNAHAN ang mga bansa, laluna ang mga superpower, sa pagtuklas sa bakuna o vaccine laban sa COVID-19 na mahigit na sa 20 milyon ang tinatamaan at mahigit sa 700,000 ang namamatay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa minamahal nating Pilipinas, maganda ang ibinalita ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na uunahin tayong bigyan ng “magic vaccine” ng Russia, ang Sputnik V, (Russian COVID-19 vaccine). Ito raw ang sinabi sa kanya ng BFF at idol na si Russian Pres. Vladimir Putin.
Ito ay irerehistro sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng local Phase 3 clinical trial, posible raw na kasabay Phase 3 clinical trial sa Russia, ayon sa isang pinuno ng Department of Science and Technology (DOST).
Sana naman ay magkatotoo na ito sapagkat gaping-gapi at lupaypay na ang ekonomiya ng ‘Pinas, milyun-milyong Pinoy ang nangawalan ng trabaho. Aminado si Mano Digong na wala nang pera ang gobyerno para maitustos sa mga apektado ng pandemya. Libu-libong negosyo ang nagsipagsara.
Batay sa website ng Food and Drug Administration (FDA), ang Phase 3 ay nagsasangkot sa “300 to 3,000 volunteers who have the disease or condition.” Ang layunin dito ay masubukan ang bisa o efficacy ng bakuna at ma-monitor din ang di-magandang reaksiyon o adverse reactions nito.
Sa isang text message ni DOST Usec. Rowena Cristina Guevara, tagapangulo ng sub-Technical Working Group (TWG) on Vaccine Development, sinabi niyang ang pulong ng Vaccine Expert Panel sa Gamaleya ay maayos naman at umaasa silang simulan ang proseso sa loob ng buwang ito.
Ganito ang pahayag ni Guevara: “The process involves getting confidentiality agreement signed, review of phase 2 and phase 3 clinical trial results, apply for FDA permission to do the trial, and undertake the phase 3 clinical trial”.
Idinagdag niya na matapos ang pagsubok o trial, puwede nang mag-aplay ang Gamaleya para marehisto ito sa Food and Drug Administration FDA upang ang Sputnik V vaccine ay magamit sa bansa.
Ang bakuna ay dinibelop ng Gamaleya Research Institute sa Moscow sa koordinasyon ng Russia’s Defense Ministry. Inihayag ni Russian President Vladimir Putin noong nakaraang Martes na ang Russia ang unang bansa sa mundo ang nakatuklas sa COVID-19 vaccine.
Ang pangalan ng bakuna ay bilang parangal sa Sputnik I, kauna-unahang artificial Earth satellite, na nilikha ng Soviet Union. Gayunman, maraming eksperto at dalubhasa sa siyensiya, medisina at kalusugan ang may pagdududa pa sa efficacy o bisa nito.
Sa katuwaan ng ating Pangulo, sinabi niyang siya ang unang magpapaturok sa bakuna kapag ito ay inaprubahan na ng FDA. Naniniwala siya na kapag ito ay may bisa sa kanya, tiyak na may bisa rin ito sa mga Pilipino.
Bukod sa Russia at China, kausap din ng gobyerno ng Pilipinas ang United States at United Kingdom tungkol sa bakuna na ipagkakaloob sa Pilipinas. Matindi ang bagsik at lason ng COVID-19 na hangga ngayon ay wala pang katiyakan ang lunas, maliban sa pag-angkin ng Russia na mayroon na silang bakuna laban sa veeruz, este virus, na ito.
-Bert de Guzman