NOONG una, sa botong 242-0 ipinasa ng Kamara sa third reading nitong nakaraang Lunes ang House Bill No. 6864 na tinawag nilang “Better Normal for the Workplace, Communites and Public Spaces Act of 2020. Kinabukasan, lumiham si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kay Majority Leader Martin Romualdez at binabawi ang kanyang boto na kumakatig sa panukala. Ganito rin ang ginawa nina Bayan muna Rep. Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago. Kasi naman, para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus, ipinagbabawal sa Section 6 ng panukala ang publikong pagtitipon maliban sa mga pahihintulutan ng implementing rules and regulations (IRR) nito. “Dapat isaayos ng mga local government units ang publikong pagtitipon maging ang daloy ng mga tao sa espasyong pinamamahalaan nila sa pamamatnubay ng isinasaad ng IRR, at kung kinakailangan ay magisyu ng Better Normal Permit na nagtatakda ng limitasyon para masawata ang pagkalat ng sakit,” ayon sa panukalang batas.
Ayon kay Zarate, ang pagbabawal sa publikong pagtitipon ay labag sa karapatan ng mamamayan na ihayag ang kanilang damdamin at ihain ang kanilang hinaing sa gobyerno na ginagarantiyahan ng Saligang Batas. “Sa panahong ito na ang karapatan magsalita at mamamahayag ay kinukobkob, hindi maatim ng aming konsensiya na suportahan ang mga askyon na lalong susupil sa mga nasabing karapatan,” dagdag pa ni Zarate.
Noon ding nakaraang Lunes, sa botong 242-6 inaprubahan ng Kamara ang Bayanihan 2 o “Bayanihan to Recover as One” na naglalaan ng P162 billion para sa iba’t ibang layunin. Ang panukalang ito ay ekstensiyon ng 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act.” Sa ilalim ng batas na ito, binigyan ng Kongreso si Pangulong Duterte ng kapangyarihang ilipat ang P370 bilyong pondo, kabilang na rito ang P200 billion para sa cash aid program. Ang anim na tumutol dito, na sila rin ang bumawi sa kanilang naunang boto na pabor sa House Bill No. 6864, ay nagnanais magkaroon ng audit sa pondong naibigay sa Pangulo sa Bayanihan I. Kailangan malaman ng taumbayan kung totoo ang sinasabi ng Pangulo na wala na siyang perang pangayuda sa kanila para magpatupad pa ng lockdown na siyang nakikita pang remedyo ng mga doctor upang masawata ang pagkalat ng virus. Pinaaasa na lamang niya ang mamamayan sa bakuna na noong una ay magbubuhat sa China, ngayon naman sa Russia, na darating, aniya, nitong Oktubre at siya pa ang unang magpapabakuna.
Nilalatag na ng administrasyon, sa pagsasamanatala niya sa pandemya ang mga paraan kung paano ito makalalamang sa darating na halalan. May malaking pondo na ito kapag naipasa pa ang Bayanihan 2 at masisikil nila ang taumbayan na gumawa ng pagkilos kapag naipasa ang House Bill No. 6864. Nakaumang na nga ang Anti-Terrorism Act. Ang kagandahan lang ay dinumog na ito ng taumbayan sa Korte Suprema. Ang darating na eleksyon ay hindi na gaya ng nakaraan kung saan nagwagi sina Bong Go, Tolentino at Bato dela Rosa. Bukod sa pondong nakuha sa Bureau of Corrections at iba pang ahensiya ng gobyerno at mga nagambag, may narcolist pang ipinanakot ang Pangulo laban sa mga pulitiko na nagparalisa sa kanila kung ayaw nilang tulungan ang kanyang kandidato. Maaring ang darating na halalan, kung hindi gagawan ng paraan para mamanipula ito o mapigil sa tulong ng mga dayuhan, magiging laban ito ng bayan.
-Ric Valmonte